|
||||||||
|
||
NANINDIGAN si Fr. Edu Gariguez, ang executive secretary ng National Secretariat for Social Action, Justice and Peace (NASSA) ng CBCP na dapat panagutin ang 50 carbon majors na may mga kumpanya hindi lamang sa Pilipinas kungdi sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
PAPANAGUTIN ANG 50 CARBON MAJORS. Ito ang panawagan ni Fr. Edu Gariguez sa isang panayam sa sidelines ng COP21 sa Paris, France kahapon ng hapon. Si Fr. Edu ang executive secretary ng CBCP - National Secretariat of Social Action, Justice and Peace. (NASSA). (Melo M. Acuna)
Sa isang panayam sa Paris, Francia, sinabi ni Fr. Gariguez na ang kanilang pagdalaw sa Francia ay upang dumalo sa side event ng COP 21 at ito ay ang pakikipag-ugnayan sa iba't ibang sektor tulad ng Greenpeace at iba pang samahan upang lumakas ang legal support sa kanilang malawakang kampanya at mabatid ang kinaroonan ng kanilang mga reklamo.
Nagsagawa rin sila ng pakikipag-usap sa mga dalubhasa sa larangan ng agham upang suportahan ang kanilang mga panayag bilang mga complainants. Kabilang sa kanilang inirereklamo ang Exxon, Chevron, Shell, Anglo-American at iba pang mga kumpanya.
Wala umano siyang sampalataya sa COP21 subalit naroon pa rin ang posibilidad na magkaroon ng magandang kahihinathnan. Bagama't maganda ang naging pahayag ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III sa Francia, talamak pa rin ang coal-fired power plants at pagmimina ng uling sa Pilipinas.
Mas makabubuting panindigan na ni Pangulong Aquino ang kanyang pahayag at hindi basta talumpating walang katuturan.
Idinagdag pa ni Fr. Gariguez na kahit pa pinagtuunan ni Pangulong Aquino ang climate vulnerability ng Pilipinas tulad ng iba't ibang bansa sa dagat Pasipiko, mas binibigyang konsiderasyon ni Pangulong Aquino ang malalaking kumpanya tulad ng Aboitiz at San Miguel na nagpapakita lamang na "business as usual."
Puro pa-pogi lamang ang ginawa ni Pangulong Aquino sa COP21. Ayon pa kay Fr. Gariguez, walang consistency ang pahayag at ginagawa ng Pangulo ng Pilipinas.
Bagaman, pinuri ni Fr. Gariguez ang Commission on Human Rights na nangakong magsisiyasat sa mga sangay ng mga kumpanya na naglalabas ng carbon sa Pilipinas. Magandang hakbang ito na bibigyang prayoridad ng CHR ang pagtatanong sa mga pinangalanang kumpanyang lumalabag sa pandaigdigang pamantayan.
Maganda ring pagkakataong mapanagot ang 50 carbon majors, dagdag pa ni Fr. Gariguez.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |