|
||||||||
|
||
Pilipinas, lumahok na sa Asian Infrastructure Investment Bank
LUMAGDA na ang Pilipinas sa Articles of Agreement (AOA) ng Asian Infrastructure Investment Bank kanina at lumahok na sa bagong multilateral institution na naglalayong mapasigla ang pagpapayabong ng mga pagawaing bayan at connectivity.
Sa isang pahayag mula sa tanggapan ni Finance Secretary Cesar Purisima, sinabi niyang naniniwala ang pamahalaan na makakadagdag ang AIIB at makakatulong sa multilateral institutions na magpapasigla ng economic growth.
Ayon kay Kalihim Purisima, isang malaking hamon ang pinag-isang layuning umunlad at mapayabong sa pandaigdigang pamilihan at ipinagpapasalamat ng Pilipinas ang pagkakaroon ng pagtutulungan ng mga bansa tungo sa development goals ayon sa pagkakaisa.
Sa isang pandaigdigang pagtutulungan, ang connectivity ang siyang mahalaga kaya't ang AIIB ay isang magandang tugon sa pangangailangan ng investments at siyang makakabawas sa pangangailangan ng kapital ng iba't ibang bansa. Isang pagkakataon din ito upang magkaroon ng higit na pagtutulungan ang mga kasaping bansa, lalo na sa ASEAN hinggil sa regional infrastructure goals.
Tinataya ng Asian Development Bank ang pangangailangan ng Pilipinas sa pagawaingbayan mula 2010 hanggang 2020 ay aabot sa US$127.12 bilyon kaya't kailangan ang taunang investment na US$11.56 bilyon. Ang ASEAN ay mayroong financing gap na US$108 trilyon sa loob ng sampung taon. Ayon pa rin sa ADB, makikinabang ang Pilipinas sa pagbabawas ng agwat ng salapi at pagawaing bayan, pagbabawas ng gastos sa kalakal na tinatayang 15.6% ng trade value na mangangahulugan ng kitang aabot sa US$220 bilyon bilang real income.
Ang total capital stock ng AIIB at US$ 100 bilyon at bayat na ang 20%. Ang paid-in capital ng Pilipinas sa AIIB ay US$ 196 milyon na babayaran sa loob ng limang taon sa halagang US$ 39 milyon sa bawat taon.
Idinagdag pa ni Secretary Purisima na masusing pinag-aralan ng pamahalaan ang paglahok sa AIIB at nakalahok na sa mga talakayan sa pagbuo nito sa paniniwalang ang magandang pagpapatakbo nito ang mahalaga sa daigdig hindi lamang sa Pilipinas.
Iginawad ni Pangulong Aquino kina Finance Secretary Cesar V. Purisima at kung hindi siya makadadalo, kay Philippine Ambassador to the People's Republic of China Erlinda F. Basilio noong nakalipas na Martes, ika-29 ng Disyembre.
Nakatakdang pasinayaan at idaos ang inaugural meeting ng Board of Governors at Board of Directors sa Beijing sa ikatlong linggo ng Enero 2016. Ang mga kasapi ay magkakaroon ng hanggang Disyembre ng 2016 na matapos ang ratification at iba pang approval processes at mabayaran ang ambag sa kaban ng bangko.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |