|
||||||||
|
||
Pangulong Aquino, nararapat lamang magpaliwanag
SINABI ni Senador Juan Ponce Enrile na hindi na kailangang dumalo ni Pangulong Aquino sa pagdinig ng Senado hinggil sa Mamasapano sa darating na Lunes, ika-25 ng Enero subalit kailangan lamang niyang magpaliwanag.
Hindi na kailangan pa ang kanyang pagdalo upang magpaliwanag hinggil sa kabiguan ng kanyang liderato sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng PNP Special Action Force noong isang taong nauwi sa pagkasawi ng 44 katao at ilang mga sibilyan.
Bahala na umano si Pangulong Aquino kung dadalo subalit hindi na siya pipilitin pa at huwag na lamang siyang magsabing mayroon siyang hinanakit sa kanya o may politikang sangkot sa pagdinig.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni G. Enrile na walang politika ang kanilang gagawin at ito'y paglilingkod lamang sa bayan. Walang itinatangi kahit pangulo o tagapaglinis lamang o mambabatas kaya't mananagot ang sinuman. Sinasagot lamang umano ni G. Enrile ang paratang ng pangulong may bahid politika ang nakatakdang pagdinig. Kahit umano siya ay mayroong paratang kay Pangulong Aquino kaya't marapat lamang na sagutin niya kung masasagot niya.
Binigyang-diin ni G. Enrile na hindi kailangan ang pangulo sa pagdinig at ang nangangailangang magpaliwanag ay ang pangulo mismo. Hahayaan niyang makinig o manood na lamang ang pangulo sa pagdinig sa Lunes.
Sa kanyang paghiling na buksang muli ang pagdinig, sinabi ni G. Enrile na nais niyang mabatid ang papel ng pangulo sa napalpak na operasyon at kung ano ang kanyang ginawa upang matulungan ng naipit na mga pulis sa madugong insidente.
Madali lamang ang gagawin ng pangulo, managot sa pamilya, sa mga mamamayan, sa bansa at sa kanyang sarili. Bayan ang pinag-uusapan sa pagdinig, dagdag pa ni G. Enrile.
Itinanong kay G. Enrile kung mapapanagot ba si Pangulong Aquino sa naganap sa Mamasapano sa pagtatapos ng kanyang panunungkulan, sumagot ang beteranong mambabatas na bahala na ang ibang mga pinuno kung ano ang nais nilang gawin.
Ani Senador Enrile, iba umano ang mga inihahanda niyang tanong sa mga itinanong na ni Senador Grace Poe sa mga nakalipas na pagdinig.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |