|
||||||||
|
||
Free Trade Agreements, dapat pagbalik-aralan muna
NANAWAGAN ang IBON Foundation sa pamahalaan na pagbalik-aralan muna ang kasalukuyang free trade agreements bago magsimula ng mga panibagong kasunduan.
Sa isang pahayag, sinabi ng research group na abala ang pamahalaan sa pagkakaroon ng mga bagong kasunduan upang magkaroon ng dagdag na pamilihan sa mga produktong Filipino at banyagang kalakal, unti-unting napapahamak ang Pilipinas. Maraming leksyon mula sa mga umuunlad na bansang tulad ng Indonesia, India at South Africa na nagkakaroon ng pagbabago at nagtatapos ng mga kasunduan sa mga banyagang kumpanya.
Sa isang press conference noong nakalipas na linggo, sinabi ng Department of Trade and Industry na itutuloy pa ng pamahalaan ang mga free trade agreement tulad ng pag-aaral ng pamahalaan sa Trans-Pacific Partnership at pagkakaroon ng konsulatasyon sa ibang mga bansang kasapi ng TPP upang mapaghandaan ang paglahok ng Pilipinas.
Mayroon na ring pakikipag-usap para sa European Union-Philippines Free Trade Agreement. Mayroon nang FTA ang Pilipinas sa Japan at maging sa Association of Southeast Asian Nations at sa ilalim ng World Trade Organization.
Ayon sa IBON, ang alituntunin ng Pilipinas sa ganitong mga kasunduan ay madalian at malawakang liberalisasyon at pagkakaroon ng mas malalakas na karapatan para sa mga banyagang mangangalakal na magluluwag sa mga regulasyon ng pamahalaan.
Idinagdag pa ng IBON na magdahan-dahan ang Pilipinas sa pagpasok sa mga bagong kasunduan sapagkat kailangang suriin kung nakabuti ba ang mga naunang kasunduan sa bansa at sa mga mamamayan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |