|
||||||||
|
||
Senado, naghahanda para sa pagdinig hinggil sa Mamasapano
PINAGHAHANDAAN na ng Senado ang gagawing pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa darating na Miyerkoles, ika-27 ng Enero, 2016.
Ayon kay Senate President Franklin M. Drilon, hindi basta makakapagdeklara ng executive session hanggang hindi nababatid ang mga paksang pag-uusapan. Magaganap lamang ang executive session sa oras na sumang-ayon ang mga kasapi ng komite na pinamumunuan ni Senador Grace Poe.
Sa isang panayam, niliwanag ni G. Drilon na nararapat lamang kilalanin at pahalagahan ang paanyaya ng Senado ng mga opisyal ng Ehekutibo. Hindi naman napag-usapan kung aanyayahan si Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III.
Hindi pa nababatid ni Senate President Drilon kung sino ang aanyayahan subalit umaasa siyang makikipagtulungan ang mga aanyayahan ng Senado mula sa Ehekutibo.
Hiniling ni Senador Juan Ponce – Enrile ang pagdinig sa madugong sagupaan sa Mamasapano sa Maguindanao noong nakalipas na Linggo, ika-25 ng Enero 2015 na ikinasawi ng 44 na opisyal at tauhan ng PNP Special Action Force.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |