|
||||||||
|
||
Pagkain ng pamilya ng sama-sama, mahalaga
MAHALAGA para sa pamilya ang pagkain ng magkakasama. Ito ang sinabi ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa kanyang pagharap sa mga mamamahayag sa Cebu City sa pagpapatuloy ng 51st International Eucharistic Congress.
Napuna ni Cardinal Tagle na maraming mga pamilya ang hindi na nakakasabay sa hapag kainan dala ng teknolohiya at pagiging abala sa napakaraming bagay. Idinagdag pa ng Arsobispo ng Maynila na sa pagkakaroon ng kanya-kanyang silid, sariling mga telebisyon, computers at iba pang makabagong kagamitan, naghihiwa-hiwalay na sila sa paghahapunan.
Isang bagay pa ang binanggit ng arsobispo at ito ay ang paghahanda ng pagkain ng ina ng tahanan pagsapit ng ika-anim ng gabi subalit dumarating ang ama ng tahanan mga ika-siyam na ng gabi dahil sa tindi ng traffic.
Kung nais umano ng mga na sa pamahalaan na magsama-sama ang pamilya sa hapag-kainan, kailangang malutas ang napakatinding traffic sa mga malalaking lungsod tulad ng Metro Manila.
Naiiba na umano ang pamantayan ngayon kaysa noong mga nakalipas na dekada sapagkat napakasimple pa ng buhay.
Kung mahihirapan ang mga pamilya na kumain ng magkakasama gabi-gabi, sinabi ni Cardinal Tagle na kahit man lamang sana minsan sa isang linggo ay magkaroon ng pagkakataong kumain upang magka-ugnayan at magkabalitaan upang mapanatili ang pagmamahalan ng bawat kasapi ng pamilya.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |