|
||||||||
|
||
Cardinal Tagle, nanawagang pakainin ang mga nagugutom na kabataan
MAY pakiusap si Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle sa mga mananampalataya sa kanyang nasasakupan na pakainin ang mga nagugutom na kabataan na angkop sa Extraordinary Jubilee Year of Mercy. Ito ang napapaloob sa kanyang Pastoral Letter para sa Miyerkoles ng Abo sa ika-sampu ng Pebrero, ang simula ng Kuwaresma.
Iminungkahi niyang gawin ito sa pamamagitan ng Fast2Feed, Hapag-Asa Feeding Program ng Pondo ng Pinoy ng Archdiocese of Manila at mga kasamang diyosesis na naglalaan ng pagkain para sa mahihirap na kabataan at nagbibigay ng kaukulang edukasyon at kabuhayan, kasabay ng skills trainig para sa mga magulang.
Ani Cardinal Tagle, ang mga donasyong natanggap noong nakalipas na taon ay nakatulong sa may 21,000 malnourished at undernourished children sa Pondo ng Pinoy dioceses araw-araw sa loob ng anim na buwan.
Layunin ng programang ito na makapagpakain ng may 25,000 kabataan ngayong taon.
Kasama sa inaasahang gagawin ng mananampalataya ang pagkakawang-gawa, pag-aayuno at pagdarasal.
Idinagdag pa ni Cardinal Tagle na aabot lamang sa sampung piso bawat araw upang makatulong magpakain ng isang nangangailangang bata sa ilalim ng programang tatagal ng anim na buwan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |