|
||||||||
|
||
20160328 Melo Acuna
|
HINATULANG mabilanggo ng mula anim hanggang sampung taon si Presidential Adviser on Environmental Concerns Secretary Nereus "Neric" Acosta ng Sandiganbayan sa maling paggamit ng kanyang pork barrel funds noong siya'y kongresista ng Bukidnon.
Hinatulan ng 4th Division ng Sandiganbayan si Acosta sa pagpabor sa Bukidnon Vegetable Producers Cooperative na pinamumunuan ng kanyang ina, ang dating punongbayan (mayor) ng Manolo Fortich na si Socorro Acosta. Naglingkod si Gng. Acosta bilang director at cooperator ng kooperatiba.
Ayon sa datos ng hukuman, idinaan ni G. Neric Acosta ang P 5.5 milyon na kanyang Priority Development Assistance Funds sa kooperatiba noong 2002. Nahatulan siyang mabilanggo mula anim hanggang sampung taon at pinagbawalang magkaroon ng anumang tungkulin sa pamahalaan.
Kasapi si G. Acosta ng Liberal Party na kinabibilangan ni Pangulong Benigno Simeon C. Aquino III. Si G. Acosta ang General Manager ng Laguna Lake Development Authority.
Ayon kay G. Acosta, tumagal ang paglilitis ng pitong taon at may 15 taon na ang usapin. Walang kinalaman ang pagiging kasapi ng Partido Liberal o hindi at walang kinalaman ang kanyang pagiging kasapi ng gabinete ni Pangulong Aquino. Wala umanong kulay politika ang usapin.
Ang kanyang ina, si dating Congresswoman Acosta ay napatunayang nagkasala ng dalawang count ng graft sa pamamagitan ng kanyang financial at material interest sa PDAF ng kanyang anak na idinaan sa kooperatiba.
Napawalang-sala na si G. Acosta sa dalawang iba pang kasong graft.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |