|
||||||||
|
||
Money laundering, makaka-apekto sa imahen ng Pilipinas
NANINIWALA sina dating Defense Secretary Norberto Gonzales at dating Flagship Projects Secretary Ernesto M. Ordonez na makakaapekto sa imahen at katayuan ng Pilipinas ang naganap na kontrobersyang kinasasangkutan ng US$ 81 milyong nakapasok sa financial system ng bansa.
MONEY LAUNDERING INCIDENT, KAHIHIYAN PARA SA BANSA. Ito ang sinabi ni dating Defense Secretary Norberto Gonzales (dulong kanan) sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kaninang umaga. Marapat mapatalsik sa puesto ang mga may kinalaman sa pangyayaring ito matapos ang imbestigasyon ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Department of Finance. Na sa dulong kaliwa si Estrellita Mallo-Estabillo ng 247 RemitPlus. (Melo M. Acuna)
Sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat, sinabi ni Secretary Gonzales na kailangang magkaroon ng ibayong pagsisiyasat upang mabatid kung ano ang kakulangan ng bansa upang maiwasan ang mga katiwalian sa pananalapi.
Sa oras na matapos ang pagsisiyasat, sinabi naman ni Secretary Ordonez na marapat lamang na mapatalsik ang mga taong sangkot sa katiwalian.
Maaaring gawin ang pagsisiyasat ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng Department of Finance sapagkat kinikilala sina BSP Governor Amando M. Tetangco, Jr. bilang outstanding central bank governor samantalang outstanding finance secretary si Kalihim Cesar V. Purisima.
Ipinaliwanag ni Secretary Gonzales na higit na paniniwalaan ng international community ang gagawing imbestigasyon ng Bangko Sentral at Department of Finance kaysa ginagawang pagsisiyasat ng mga senador ng Blue Ribbon committee na kinatatampukan ng pagalingan at pagalingan ng mga argumento.
Naniniwala naman si Secretary Ordoñez na mahalaga rin ang ginagawang imbestigasyon ng Senado sapagkat nababatid ng madla sa pamamagitan ng media ang nagaganap.
Para kay Secretary Ordoñez, sa oras na madaliang matapos ang imbestigasyon, tiyak na makakabawi ang Pilipinas sa katayuan nito sapagkat maganda naman ang katayuan ng ekonomiya ng bansa. Maganda rin ang ratings na natatangap ng Pilipinas sa mga nakalipas na taon. Pansamantala lamang ang problemang ito.
SENADO, MARAPAT NA MAGSIYASAT. Naniniwala naman si dating Flagship Projects Secretary Ernesto M. Ordonez (gitna) na dapat ituloy ng Senado ang imbestigasyon sa money laundering sapagkat maibabalita ng media ang mga pangyayari. Makakabawi rin ang Pilipinas kung tama ang gagawin ng gobyerno laban sa mga may kagagawan ng kapalpakan, dagdag pa ni G. Ordonnez.
Bagaman, sinabi ni Secretary Gonzales na ang mga ratings tulad ng surveys ay namamanipula na rin kaya't hindi nararapat umasa ang publiko sa mga magagandang ratings at survey results.
Ipinakita naman ni Gng. Estrellita Mallo-Estabillo ng 247 RemitPlus ang kanilang bagong application upang matiyak na ligtas sa anumang kapahamakan ang remittances ng mga manggagawang Filipino mula sa ibang bansa.
Hindi umano magagamit sa money laundering ang kanilang sistema, dagdag pa ni Gng. Estabillo. Hindi nakarating ang kanilang isang opisyal sapagkat ipinatawag ng Bangko Sentral ng Pilipinas at Anti-Money Laundering Council upang ipakita ang teknolohiyang kanilang sinimulang gamitin.
Samantala, kinondena ng dalawang dating opisyal ng pamahalaan ang hindi pagsasama sa mga casino sa pagsusuri ng AMLA. Ayon sa kanila, sa Pilipinas lamang exempted ang mga casino sa pagsusuri ng pamahalaan.
Ayon kay G. Ordonez, sa 99 na sistemang ginagamit ng bansa ay walang anumang nakikitang problema maliban sa isa at ito'y dulot ng mga casino. Unang ipinasa at naging batas ang Anti-Money Laundering Act noong 2001 at kung ilang beses nang nagkaroon ng mga pagsusog.
Money laundering, isang malaking kahihiyan
PINUNA ni Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates B. Villegas, pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang money laundering ay pagyabong ng pasugalan sa bansa.
Sa isang pahayag na inilabas kaninang ikalima ng hapon, sinabi ni Arsobispo Villegas na kaya nabubuhay ang mga sindikato ay dahilan sa money laundering. Nabubuhay din ang mga terorista sa bansa at maging sa daigdig na dahilan ng mga pagpaslang, pandarambong at ito ang dahilan kaya't nakiisa ang Pilipinas sa daigdig sa pagpapatupad ng mga batas laban sa money laundering.
Nakakahiya ang pagkakasangkot ng Pilipinas sa kontrobersyang nagkakahalaga ng US$ 81 milyon nakaw mula sa Bangladesh. Mula sa Bangladesh, ayon kay Arsobispo Villegas, ang salapi ay nakarating sa mga bangko sa Pilipinas at mula roon, sa isang local money-transfer firm at sa mga casino.
Nagsimula na ang Senado ang imbestigasyon ay makikita kung saan nakararating ang uri ng kriminalidad at kawalan ng moralidad dulot ng money laundering.
May mga cyber-criminal at nakipagsabwatang ehekutibo ng mga bangko at marahil ay kinasasangkutan din ng mga opisyal ng pamahalaan.
Ang pagsusog sa batas na hinihiling ng iba't ibang sektor ang naglalayo sa pananaw mula sa pinakabuod ng problema, ang pagpapatupad ng batas, pagbabantay ng mamamayan, ang kawalan ng moralidad na siyang dahilan ng kriminalidad, kawalan ng kaayusan.
Ang mga casino ang siyang posibleng pianapadaluyan ng money laundering at hindi basta batas na mababaluktok upang lumabas legal ang lahat.
Ang pagkalat ng mga casino ang simbolo ng pagkasira ng buhay ng marami, mga pamilyang nagkakahiwalay, kinabukasang nawawaqla dahilan sa sugal. Tuloy ang pagpapatakbo ng mga casino kahit may pamahalaan, tuloy ang pag-asenso ng mga may-ari nito.
Maraming mga bansa, ani Arsobispo Villegas ang nagbabawal ng online betting subalit iba ang Pilipinas. Maraming mga banyaga ang kumikita sa mga pasugal sa halip na sa lehitimong kalakal.
Ang malawakan at organized gambling ay may koneksyon sa organized crime. Samantalang wala pang sapat na ebidensyang magsasaad na lahat ng sugal sa Pilipinas ay may relasyon sa krimen, nagugulat ang karamihan sa kawalan ng loob ng pamahalaan at civil society sa pagsugpo sa lahat ng uri ng high-stakes, high-risk gambling.
Nanawagan si Arsobispo Villegas sa ngalan ng kapulungan ng mga obispo ng Pilipinas na may sapat na pangaral ang simbahan sa sugal, na hindi nakatutulong sa pagpapapawis, paglalagak ng kapital at pagkakaroon ng dagdag na hanapbuhay.
Taliwas ang sugal sa kailangang pagsisikap at pagpupunyagi ng mga manggagawa upang kumita ng sapat para sa pamilya.
Magbabantay ang mga obispo sa gambling activities at maguulat sa kinauukulan ng illegal gambling outlets at patuloy na magtuturo sa madla ng kawalan ng moraldiad ng sugal, dagdag pa ni Arsobispo Villegas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |