Hinggil sa CRIHinggil sa Serbisyo Filipino
   

Mga mamamayan umaasang magkakaroon ng pagbabago

(GMT+08:00) 2016-05-23 18:21:13       CRI

MARAMING mga Filipino ang umaasang higit na gaganda ang takbo ng Pilipinas sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsisimula sa unang araw ng Hulyo. Magaganap ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng pamahalaan sa darating na Huwebes, ika-tatlumpu ng Hunyo sa ganap na ika-labing dalawa ng tanghali.

Sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat," sinabi nina dating Comelec Chair at Constitutional Commissioner Christian S. Monsod, Dr. Edita Tronqued Burgos, Mr. Sergio Ortiz Luis, Jr. ng PhilExport at dating ABC-Beijing Bureau Chief Chito Sta. Romana na ang pag-asa ng mga mamamayan ng mas mabuting pamamalakad ang nagdulot kay G. Duterte ng pagwawagi sa nakalipas na halalan.

DAPAT LIWANAGIN ANG NAIS NA BAGUHIN.  Sinabi ni dating Constitutional Commissioner Christian Monsod na kailangang suriin ng Duterte Government kung anong nais baguhin sa Saligang Batas sapagkat maliwanag ang 1987 Constitution at Local Government Code of 1991 ng magiging paraan ng pagpapaunlad sa iba't ibang bahagi ng bansa.  Hindi rin magkakaroon ng pagbabago sa Saligang Batas kung ang mahahalal ay pawang mga mula sa political dynasties at business interests, dagdag pa ni Atty. Monsod.  (Melo M. Acuna)

May idinagdag na pananaw si Atty. Monsod hinggil sa binanggit ni G. Duterte na pagbubukas ng Saligang Batas sa pagbabago sa pamamagitan ng constitutional convention na maaaring hindi makamtan ang mga ninanais na pagbabago kung ang mga magiging delegado sa mabubuong lupon ay mula sa mga angkan ng mga politiko na may mga interes sa larangan ng kalakal. Hindi umano magkakaroon ng pagbabago kung ang mga magiging delegado ay mula sa mga angkang kumakatawan sa pansariling interes ng mga maimpluwensyang pamilya sa bansa.

Bukod rito, ani Atty. Monsod na ang mga ninanais na pagbabago ni G. Duterte ay napapaloob sa Saligang Batas at maging sa Local Government Code of 1991. Magkakaroon ng poder ang mga pamahalaang lokal kung sakaling ipatutupad ang nilalaman ng mga naunang pinanday na batas.

POSITIBO ANG MGA PAHAYAG NI G. DUTERTE SA RELASYON SA TSINA.  Ipinaliwanag ni G. Chito Sta. Romana, dating ABC Beijing Bureau chief na maganda ang pahayag ni G. Rodrigo Duterte sa larangan ng relasyon sa Tsina.  Higit na magiging maganda ang pagkakataon sa bilateral relations ng dalawang bansa 'di tulad ng paninindigan at pananaw ni outgoing President Benigno Simeon C. Aquino III.  (Melo M. Acuna)

Sa panig naman ni G. Chito Sta. Romana, mahalaga ang binanggit ng incoming President Rodrigo Duterte na pagkakaroon ng mas mainit na relasyon sa China nang hindi tinatalikdan ang pakikipag-alyansa sa Estados Unidos. Ipinaliwanag niyang anuman an kahinatnan ng usaping dinala ng Pilipinas sa international tribunal, uuwi at uuwi pa rin sa pag-uusap ng Pilipinas at Tsina. Mas maganda ang pagkakataong makapag-usap ng maluwag ang magkabilang-panig kung mayroong bukas na kaisipan ang Pilipinas at 'di tulad ng nakalipas na administrasyon.

Nakikipag-usap ang Tsina sa mga kalapit-bansa tulad ng naganap sa isyu ng Rusya at Vietnam. Umaasa siyang higit na magiging mainit ang relasyon ng dalawang bansa lalo pa't interesado si G. Duterte na magkaroon ng daang bakal o train service sa Mindanao.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Edita Tronqued Burgos na ang anumang pagbabagong ipinangako ni G. Duterte noong kampanya ay inaasahang magdudulot ng kabutihan sa nagaganap ngayon.

UMAASA SI DR. EDITA BURGOS NA MAKAKAMTAN ANG KATARUNGAN.  Hawak ni Dr. Edita Burgos ang larawan ng kanyang anak na dinukot ng mga militar noong 2009 sa Quezon City.  Sinabi ni Dr. Burgos na umaasa siyang makakamtan ang katarungan sa ilalim ni G. Duterte.  Si Jonas Burgos ay dinukot noong ika-28 ng Abril 2007 at di pa natatagpuan hanggang ngayon.  (Melo M. Acuna)

Ayon kay Dr. Burgos, sa pagkawala ng kanyang anak noong 2009, umaasa siyang mababawasan na ang mga biktima ng involuntary disappearance at kakulangan ng parusa sa mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen. Tumagal umano ang kanyang petition for habeas corpus sa Court of Appeals ng pitong taon.

Nagdesisyon man ang Korte Suprema na biktima ng pagdukot ang kanyang anak na si Jonas, wala pa naman sa mga kinilalang may kagagawan ang naipagsuplong at nalitis hanggang sa mga oras na ito.

KALAKAL, UMAASANG GAGANDA ANG KALAKARAN.  Sinabi ni G. Sergio Ortiz-Luis, Jr. ng PhilExport at Philippine Chamber of Commerce and Industry na umaasa silang gaganda ang kalakal sa ilalim ng bagong administrasyon.  Nagkataon lamang na walang gasinong bago sa mga programang ipatutupad ng mga makakasama sa gabinete.  (Melo M. Acuna)

Para kay G. Sergio Ortiz-Luis, Jr., umaasa silang magkakaroon ng mas magandang takbo ang kalakal sa ilalim ng hahaliling administrasyon. Bagaman, sinabi niyang tila mga propesor na ang naluklok sa gabinete upang palitan ang mga nagmula sa student government na nakaupo ngayong administrasyon.

Wala umanong gasinong pagbabago sa mga nagaganap sa kalakal sapagkat halos iisa ang takbo ng isip ng mga papalitan at papalit na opisyal ng pamahalaan.

Karamihan sa kanila ang nagsabing tutol sila sa balak na pagbabalik ng hatol na kamatayan. Hindi umano makabubuti sa imahen ng bansa na magparusa ng pagbibikti. Ani G. Sta. Romana, kahit ang Tsina ay nagbabago na rin ng kalakaran sa mga piitan at sa sistema ng paggagawad ng parusang kamatayan lalo pa't ang pagbaril ang pag-uusapan.

Ipinaliwanag ni G. Sta. Romana na magkakaroon na rin ng lethal injection para sa mga napatunayang nagkasala ng karumal-dumal krimen sa Tsina.

1 2 3 4
May Kinalamang Babasahin
Comments
Nagbabagang Paksa
Kompetisyon ng Talento at Kakayahan para sa mga Tagasubaybay sa Buong Daigdig
Pinakahuling Balita
Napiling Artikulo
SMS sa CRI sa 09212572397
6391853476XX: Gusto ko lang mag-hello sa paborito kong istasyon sa SW--ang China Radio International at sa lahat ng announcers ng Filipino Service. Nasa tabi niyo ako lagi.
6392199353XX: Salamat sa Gabi ng Musika at Pop China at sa buong Serbisyo Filipino. Solved ako sa mga padala ninyong CD at DVD ng Chinese Artists.
92041552XX: Happy Easter sa buong staff ng Filipino Service!
6392092449XX: Inspirado ako ngayong makinig sa inyong transmission dahil maganda lagi ang quality ng signal. Thank you for communicating with me via SMS.
6391658006XX: Hello CRI! I would like to give a reception report of CRI Serbisyo Filipino on July 29, 1130-1200 UTC at 12.110 MgHz shortwave listening from Clark, Angeles City, Pampanga. Sinpo: 55443. Lagi akong sumasali sa inyong pakontes at laging akong makikinig. Hope my report would be acknowledged by QSL card. Salamat.
More>>