|
||||||||
|
||
Obispo ng Malaybalay, nanawagang wakasan ang mga pagpaslang
NANAWAGAN sina Fr. Crisanto Aninloy, ang paring nangangasiwa sa Indigenous People's Apostolate at Malaybalay Bishop Jose Cabantan ng Bukidnon sa kinauukulan na wakasan na ang mga 'di pa nalulutas na pagpaslang ng mga katutubo sa kanilang nasasakupan.
Ilan sa mga biktima ay mga aktibong manggagawa sa Simbahan at sa pamahalaang lokal samantalang ang ilan ay mga karaniwang katutubo. Itinuturo ng mga alagad ng simbahan na mga lawless elements ang may kagagawan ng mga pagpaslang.
Sa isang pahayag mula sa Diyosesis ng Malaybalay, sinabi noong Martes, ika-17 ng Mayo, pinaslang si Datu Benjamin "Otto" Omao, Sr., ang kinatawan ng mga katutubo sa Malaybalay sa loob mismo ng kanyang tanggapan sa IP Apostolate Tulugan (Center) ng diyosesis.
Ang biktima ay tribal council leader ng Umayamonon-Pulanguihon tribe sa Barangay Miglamin, Malaybalay City. Isa siyang aktibong katulong ng Indigenous People's Apostolate sa Malaybalay at isa na namang biktima ng kaguluhan at kawalan ng paggalang sa dignidad ng mga Lumad at paglabag sa batas.
Dalawang iba pa ang tinamaan ng bala at kagyat na isinugod sa pagamutan. Nanawagan ang simbahan sa pamahalaan na magsagawa ng ibayong pagsisiyasat sa mga pagpaslang sa mga Lumad na unti-unting pinapaslang.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |