|
||||||||
|
||
Special Report
Kapayapaan, mahirap ba'ng makamtan? (Ikalawang Yugto)
KAPWA naghahangad ng kapayapaan ang mga katutubo at mga kawal sa Bukidnon. Magugunitang sinabi na ni Malaybalay Bishop Jose Cabantan na mayroong mga paraan ang mga katutubo ng paglutas ng kanilang 'di pagkakaunawaan ayon sa kanilang kinagisnang kultura.
Sa panig ni Col. Jesse A. Alvarez, commanding officer ng 403rd Brigade ng Philippine Army, sinabi niyang mayroong mga 200 armadong kasapi ng New People's Army sa kanyang nasasakupan.
Sa isang panayam, sinabi ni Colonel Alvarez na karaniwang nadaraan ang mga guerilyang NPA sa mga barangay na kinalalagyan ng mga katutubo sa kanayunan at kabundukan.
Karaniwang layunin ng mga NPA na makuha ang simpatiya ng mga tradisyunal na pinuno ng mga tribu upang madagdagan ang kanilang mga kasapi. Isa sa mga dahilan ng pagsapi ng mga katutubo sa panig ng mga guerilya ang kanilang kahirapan at kakulangan ng basic services mula sa mga pamahalaan.
"Kung magkakaroon lamang ng sapat na investments sa mga pook na ito, malalagyan ng mas maraming paaralan at iba pang mga pasilidad na mapakikinabangan ng mga katutubo," dagdag pa ni Col. Alvarez.
Binigyang-diin pa niya na hindi na saklaw ng sandatahang lakas na magtayo ng iba't ibang pagawaing-bayan sa kanilang nasasakupan.
Sa panig ni Sr. Mary Jane Caspillo ng Medical Mission Sisters, tumutulong sila sa mga katutubo sa iba't ibang larangan upang maibsan ang kanilang kahirapan.
Ang Bukidnon ay binubuo ng Simbahan ng mga Lumad, ani Sr. Mary Jane. Mayroong mga pagpapaliwanag hinggil sa karapatan ng mga katutubo at hindi nagtatagal ay ang mga Lumad na mismo ang nagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa iba't ibang komunidad.
May tatlo silang mga komunidad sa Diyosesis of Malaybalay na kinatatampukan ng paghahatid ng Edukasyon, Kalusugan at kahalagahan ng pag-oorganisa upang sama-samang mabantayan ang kanilang mga karapatan ayon sa itinatadhana ng batas.
Binanggit ni Sr. Jane na may paraan ang mga katutubo na lutasin ang mga sigalot ayon sa kanilang kultura at umaasa siyang magwawakas na ang mga kaguluhan sa kanayunan na ikinasawi na ng mga lider ng iba't ibang komunidad.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |