|
||||||||
|
||
Grupo sa Cebu, nababahala sa mga pananalita ni G. Duterte
ISANG samahan ng mga mamamahayag at mga mamamayan sa Cebu ang nagpahayag naman ng kanilang pagkabahala sa pahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na ang mga mamamahayag na sangkot sa katiwalian ay nararapat lamang mapaslang.
Sa isang statement na lumabas sa kanilang website at nalathala sa mga pahayagan, ang Cebu Citizens-Press Council ay nagsabing samantalang inaasahan na ang pahayag ng isang nagwaging politiko sa plataporma ng pagpasalang mga kriminal at mga pinaghihinalaan pa lamang, ang pahayag nito sa pagpaslang sa mga tiwaling mamamahayag ay ikinagulat pa nila.
Ani Pachico Seares, executive director ng CCPC, walang sintomas na susunod sa batas ang maluloklok na pangulo. Kinilala na rin ng mga mamamahayag na ang katiwalian ang siyang pinakamalaking suliranin ng sektor.
Hindi umano katanggap-tanggap ang pagpaslang sa mga tiwaling mamamahayag sapagkat siya na mismo ang sumisira sa kanyang sinumpang propesyon, ang pagiging tagapagtanggol, bilang isang punong-lungsod at 'di magtatagal ay bilang pangulo ng bansa. Ang sumpang ito ay pagpapahalaga sa batas ng bansa, dagdag pa ni Seares.
Ang CCPC ay isang non-government organization na tumutulong sa mga sektor na ipagtanggol ang kalayaan ng pamamahayag, mapanagot ang mga mamamayag at magsulong ng pananaw ng madla hinggil sa mga isyung bumabalot sa media.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |