Mas maraming nadakip ngayong 2016 sa election gun ban
MAS maraming taong nadakip ngayong 2016 kung ihahambing sa 2013 sa pagpapatupad ng election gun ban. Ito ang ibinalita ng Philippine National Police matapos ang panahon ng pagbababawal ng pagdadala ng mga sandata sa labas ng kani-kanilang tahanan.
Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng pambansang pulisya, umabot sa 4,661 katao ang nadakip kung ihahambing sa 3,724 noong 2013. May 36 na tauhan ng pulisya na nadakip ngayong 2016 kung ihahambing sa 50 noong 2013. Nabawasan din ng dalawa ang bilang ng mga kawal na nadakip mula sa 23 noong 2013, ngaong taon ay nagkaroon lamang ng 21 katao. Kahit ang mga kawani ng pamahalaan ay nabawasan mula sa 42 noong 2013 at umabot na lamang sa 37. Dumami naman ang bilang ng mga sibilyang nadakip mula sa 3,437 noong 2013 at lumobo pa ito sa 4,460 katao.
Idinagdag pa ni Chief Supt. Mayor, dumami rin ang mga sandatang nasamsam mula noong 2013 mula sa 3,617 at ngayo'y 3,828. Tumaas din ang bilang ng mga nasamsam na patalim. Kung noong 2013 ay nakasamsam ang pulisya ng 30,865 na bala, ngayong 2016 naman ay nagkaroon ng 39,935 na pirasong nasamsam.
Pinuri ni outgoing PNP Chief Director General Ricardo Marquez ang mga nagpatupad ng election gun ban sa matagumpay na operasyon. Nagpasalamat din siya sa mga tauhan ng Commission on Elections at Armed Forces of the Philippines kasama ang ibang law enforcement agencies.
1 2 3 4