|
||||||||
|
||
Paggamit ng nuclear power, isang alternatibo
SINABI ni dating Energy Secretary Zenaida Monsada na isang alternatibo ang paggamit sa nuclear power lalo pa't nangangailangan ang daigdig ng mas mababang antas ng carbon.
NUCLEAR POWER, ALTERNATIBO. Naniniwala si dating Energy Secretary Zenaida Monsada na isang magandang alternatibo ang nuclear power. Sa kanyang talumpati, sinabi ni Bb. Monsada na kailangang magkaroon ng batas upang huwag mapalitan ang mga programa ng pamahalaan sa bawat pagpapalit ng administrasyon. (Melo M. Acuna)
Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng tatlong araw na pandaigdigang pagpupulong hinggil sa posibilidad na paggamit ng nuclear power sa Manila Diamond Hotel, sinabi ni Secretary Monsada na si Energy Secretary Alfonso G. Cusi ay nagsabing nagpaparamdam na naman ang nuclear energy sa bansa. Nagkaroon na nga ang Pilipinas ng nuclear reactor subalit hindi man lang nagamit ni minsan.
Ani Secretary Monsada, kung nagamit ang Bataan Nuclear Power Plant may tatlong dekada na ang nakalilipas, marahil ay mas mura ang kuryente sa bansa.
Layunin ng bansa na magkaroon ng energy mix na 30% sa uling, 30% sa renewable at 30% sa liquified natural gas samantalang ang nalalabing 10% ay maaaring magmula sa langis. Ang nuclear power ay mapapabilang sa long-term option ng bansa, dagdag pa niya.
Ang nararapat kilalanaing pamantayan ng Pilipinas ay ang mga alitutunin ng International Atomic Energy Agency o IAEA. Hindi agad-agad itong magagawa sapagkat mangangailangan ng tanggapang magtutuon ng pansin sa nuclear power.
Kailangang masagot ang mga tanong hinggil sa angkop na pook na pagtatayuan, kung kailan ito itatayo at kung ano ang mga paraan upang matugunan ang issue ng nuclear waste. Maliwanag sa alituntunin ng Department of Energy ang pagkakaroon ng energy security, matatag na supply at rasonableng presyo. Kailangan din ang pagpapasa ng batas upang maiwasan ang mga pagbabago sa bawat pagpapalit ng administrasyon.
PAGPUPULONG, MAHALAGA. Sinabi ni Energy Secretary Alfonso G. Cusi na isang magandang pagkakataon ang international conference na nagtapos kanina sa Maynila sapagkat lumawak ang kanyang pananaw hinggil sa nuclear energy. Dumalaw na sila sa 'di nagamit na Bataan Nuclear Power Plant kanina. Bukas ihahayag ang kanilang findings. (Melo M. Acuna)
Ani G. Cusi, maraming nagtatanong kung ano ang kanyang posisyon sa posibleng pagpapatakbo ng Bataan Nuclear Power Plant. Ipinagpasalamat niya ang pandaigdigang pulong sa Maynila sapagkat nagkaroon siya ng mas malawak na pananaw sa isyu ng nuclear power.
Tumanggi si Secretary Cusi na direktang sagutin ang tanong sapagkat susuriin pa nilang mabuti ang mga isyung kinakaharap ng bansa. Bagaman, may isang press briefing bukas sa ganap na ika-sampu ng umaga sa kanyang tanggapan na katatampukan nina G. Jose Luis Yulo, Jr. pangulo ng Chamber of Commerce of the Philippines, Dr. Roger Posadas mula sa Technology Management Foundation, Mark Cojuangco, Butch Valdez, Dr. Carlito Aleta dating Director ng Philippine Nuclear Research Institute, Ramon Pedrosa at Mayor Cynthia Estanislao ng Morong, Bataan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |