|
||||||||
|
||
Usapin laban sa mga kaduda-dudang pagpatay, umabot na sa 600+
MAYROONG 628 na kasong kriminal ang ipinarating na sa mga hukuman hinggil sa kaduda-dudang pagkamatay at sinasabing "summary killings" mula nang ilunsad ni Pangulong Duterte ang kampanya laban sa droga.
Sa pagdinig sa Mababang Kapulungan sa budget ng Department of Interior and Local Government sa kanilang panukalang P 148.73 bilyon budget para sa susunod na taon, sinabi ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa na nakapagtala na sila ng 929 napaslang hanggang kahapon.
Sa tanong ni Kabayan Party List Congressman Harry Roque, sinabi ni G. dela Rosa na kinasuhan na ang mga pinaghihinalaan sa kaduda-dudang pagkamatay at kamatayan samantalang sinisiyasat at mga pagpatay sa labas ng lehitimong police anti-drug operations.
Sa 1,507 nabalitang napatay, mayroon nang 628 kaso ang nasa hukuman. Binanggit ni G. dela Rosa ang pagpaslang sa mag-amang sina Renato at JP Bertes na dinakip ng mga pulis Pasay sa pagkakaroon ng droga. Matapos ang sinasabing pagtangtangkang mangagaw ng baril ng pulis, nabaril sila sa loob ng himpilan ng pulisya. Kinasuhan na ng murder ang dalawang pulis.
Ani Congressman Roque, kapuri-puri ang ginagawa ng pulisyang pagsisiyasat at pagrereklamo subalit mas makabubuting siyasatin lahat ang mga pangyayaring nauwi sa pagkamatay ng mga pinaghihinalaan.
May pagkakaiba umano ang datos, dagdag ni G. dela Rosa sapagkat ibinilang ng media ang mga napatay mula noong Mayo samantalang nanungkulan lamang si Pangulong Duterte noong huling araw ng Hunyo ng taong 2016.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |