|
||||||||
|
||
160906melo.mp3
|
Relasyon ng ASEAN at Tsina, malaki ang potensyal
RELASYON NG ASEAN AT TSINA, MALAKI ANG POTENSYAL. Ito ang sinabi ni Prof. Aileen Baviera ng UP Asian Center sa isang exclusive interview. Marapat ang diin sa Edukasyon at Turismo subalit magiging long-term ang epekto nito sa mga mamamayan ng ASEAN. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Professor Aileen Baviera ng U. P. Asian Center na malaki ang potensyal na higit na gumanda ang relasyong mamamagitan sa ASEAN at Tsina.
Sa isang panayam sa kanyang tanggapan sa University of the Philippines, sinabi ni Prof. Baviera na mahalaga ang pagpayag ng Tsina na magkaroon ng Code of Conduct of Parties in the South China Sea sapagkat nababalot ng agam-agam ang ilang mga bansa sa paligid ng karagatan.
Mahalaga ito sa pagpapanatili ng katatagan ng timog-silangang Asia.
Maganda rin ang hinaharap sa pagpapasigla ng mga sektor ng Edukasyon at Turismo sa pagitan ng ASEAN at Tsina. Bagaman, sinabi ni Prof. Baviera na matagalang investment ang kailangang magmula sa Tsina sapagkat karamihan ng mga bansa sa rehiyon ay nasakop ng iba't ibang bansa kaya't nakatuon sa edukasyon sa North America, sa Europa at maging sa Australia.
Hinggil sa pagkakaroon ng hotlines sa pagitan ng mga bansang kabilang sa ASEAN at Tsina, sinabi ni Prof. Baviera na isang magandang programa ang ganito. Subalit ipinaliwanag niyang walang hihigit pa sa pag-iwas sa pagkakaroon ng tensyon.
Nakikita niyang baka magkaroon ng tensyon sa pagitan ng mga bansang gumagamit ng South China Sea tulad ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia at maging Indonesia at Tsina.
Hinggil sa inaasahang pahayag ng ASEAN at Tsina sa "Code for Unplanned Encounters at Sea" sa South China Sea, sinabi ni Prof. Baviera na mabibigyang sigla ang kasunduan sa pagitan ng mga hukbong dagat ng iba't ibang bansa na unang pinag-usapan sa Western Pacific Symposium na itinaguyod ng Estados Unidos noong 2014.
Napapaloob dito ang paraan ng pagpapalitan ng senyal sa paglalayag sa karagatan upang maiwasan ang mga 'di pagkakaunawaan.
Tungkol naman sa hindi pag-uusap nina Pangulong Barack Obama ng Estados Unidos at Pangulong Duterte, sinabi ni Prof. Baviera na binanggit na ni G. Duterte na makikipag-usap siya sa Tsina bago matapos ang taon. Marapat sanang tinipon na niya ang mga karaniwang sumusuporta sa Pilipinas upang higit na tumibay ang kanyang programa sa ugnayang panglabas.
Mas mahalagang sumuporta ang Japan, Australia, ang ASEAN at Estados Unidos upang magkaroon ng mas makabuluhang pakikipag-usap sa Tsina. Sa hindi pag-uusap ng magkabilang panig, lalabas na mahina ang tayo ng Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |