|
||||||||
|
||
Kautusan ng Korte Suprema, pinalawig hanggang ikawalo ng Nobyembre
HANGGANG sa ikawalo ng Nobyembre ang kautusan ng Korte Suprema na nagbabawal ng paglilibing sa labi ni dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Sa isang press briefing, sinabi ni Public Information Chief Theodore Te ng Korte Suprema na nagdesisyon ang mga mahistrado na huwag munang maglabas ng pinakahuling ruling sa pinagsanib na petisyon na nagsasabing malaking kawalan ng katarungan sa mga biktima ng Batas Militar, na kanyang pinamunuan. Ito ang dahilan kaya't nagkaroon ng extension ang status quo ante order.
Sa desisyon kanina, pagbabawalan muna ang libing sa labi ng dating pangulo. Unang naglabas ang Korte Suprema ng kautusan noong ika-23 ng Agosto na may nisa hanggang ika-18 ng Setyembre ang itinakdang petsa ng paglilibing sa dating pangulo. Nagkaroon ng extension hanggang ika-18 ng Oktubre matapos ang oral arguments.
Naglabas ng mga petisyon ang iba't ibang grupo laban sa libing ng dating pangulo matapos ihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na papayagan niya ang paglilibing sa dating pangulo ng bansa sa Libingan ng mga Bayani. Marapat lamang umanong ilibing ang dating pangulo sa Libingan ng mga Bayani sapagkat dati siyang pangulo ng bansa at dating kawal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Naghanda na sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at General Ricardo Visaya para sa paglilibing na unang naitakda noong ikapito ng Agosto.
Nagkampo na mula kahapon ang mga tagasuporta ng mga Marcos sa labas ng Korte Suprema sa pag-asang lalabas na ang desisyon kanina. Isinara ang Padre Faura sapagkat hindi na gumalaw ang mga sasakyan sa lansangan.
Nakalagay sa isang mausoleum ang labi ng dating pangulo sa nakalipas na 23 taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |