|
||||||||
|
||
Ekonomiya ng Pilipinas, lumago sa 7.1%
EKONOMIYA NG PILIPINAS UMUNLAD. Lumago ang ekonomiya ng bansa sa ikatlong bahagi ng 2016 at natamo ang 7.1% growth sa Gross Domestic Product. Ito ang ibinalita ni Deputy Director General Rosemarie Edillon ng NEDA sa isang press briefing kanina. Nasa larawan din sina Deputy National Statistician Romeo S. Recide (dulong kaliwa) at NEDA Director Reynaldo Cancio (gitna). (MMA)
MGA MAMAMAHAYAG NA NAKIKINIG SA ECONOMIC UPDATE. Isang malaking grupo ng mga mamamahayag na kumakatawan sa mga pahayagan, radio at telebisyon, kasama na ang foreign correspondents ang nakinig sa economic update sa ikatlong bahagi ng 2016 sa Heritage Hotel kaninang umaga. (MMA)
MAHIHIRAP, LAGANAP PA RIN SA KAMAYNILAAN. Makikita ang dalawang pamilyang naninirahan sa ilalim ng flyover sa panulukan ng EDSA at Roxas Blvd. kaninang umaga, may 150 metro ang layo sa Heritage Hotel na pinagdarausan ng 2016 Q3 Briefing on the Philippine Economy. Malaking hamon sa Duterte administration ang pag-aangat ng mahihirap sa kanilang kinasasadlakan. (MMA)
UMUNLAD ang ekonomiya ng Pilipinas at nakamtan ang 7.1% sa Gross Domestic Product sa paghahambing sa nakamtang kaunlaran noong ikatlong bahagi ng taong 2015.
Sa isang media briefing kaninang umaga, sinabi ni Deputy Diretor General Rosemarie G. Edillon na nagmula ang paglago sa sektor ng manufacturing, trade, real estate, renting and other business activities. Mas mataas ito sa kaunlarang nakamtan na 7.0% noong ikalawang bahagi ng taong 2016 at sa 6.2% na nakamtan noong ikatlong bahagi ng 2015.
Ang sektor ng services ang nagtamo ng 6.9% sa ikatlong bahagi ng 2016 subalit mas mababa ito sa 7.2% na kaunlarang natamo noong 2015. Sa kabilang dako, ang industria ay sumigla sa pagkakaroon ng 8.6% kung ihahambing sa 6.1% noong 2015.
Samantala, matapos ang limang bahaging pagbulusok, bumawi ang sektor ng pagsasaka at nakamtan ang kaunlarang 2.9% sa ikatlong bahagi ng taong 2016.
Bumagal ang Net Primary Income sa 2.5% sa ikatlong bahagi ng taon kung ihahambing sa 6.8% noong 2015. Ang Gross Natonal Income ay lumago at nakamtan ang 6.3%.
Pinakamabilis umano ang kaunlarang nakakamtan ng Pilipinas sa Asia. Mas mataas pa umano sa Tsina na mayroong 6.7%, Vietnam na nagtamo ng 6.4%, Indonesia na nagtaglay ng 5.0% at Malaysia na mayroong 4.3%. Hindi pa naglalabas ng kanilang datos ang India.
Sa inaasahang paglago ng mga mamamayan ng bansa sa bilang na 103.5 milyon sa ikatlong bahagi ng taon, ang per capita GDP ay lumago sa 5.3% at per capita GNI ay lumago ng 4.4% at 4.5% noong nakalipas na taon.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |