|
||||||||
|
||
Dating opisyal ng pamahalaan at brodkaster, ginunita si Fidel Castro ng Cuba
ISANG kagalang-galang na pinuno ng bansa ang yumaong si Fidel Castro ng Cuba. Ito ang paggunita nina Gng. Cecille Joaquin Yasay, maybahay ni Foreign Secretary Perfector R. Yasay, Jr. at Mario Garcia, dating station manager ng Radio Veritas.
Sa panayam sa dalawang nakadalaw sa Cuba noong 1997, naalala nila ang mainit na pagtanggap sa kanila ng pamahalaan ni Fidel Castro. Dumalaw sila ng higit sa isang linggo sa Cuba sa paanyaya ng United Nations Population Fund.
Si Gng. Yasay ang executive director ng Population Commission noong panahong iyon at nakasama sa paglalakbay sina Health Secretary Carmencita Reodica, Congresswoman Tessie Aquino-Oreta, Mario Garcia at isang mamamahayag na si Booma Cruz.
Ikinagulat ni Gng. Yasay na batid ni G. Castro ang kasaysayan ng Pilipinas. Alam din niya ang naging papel ng yumaong Senador Benigno Aquino Jr. Nabanggit umano ni Pangulong Castro ang pagkakahalintulad ng Pilipinas at Cuba na pinatatakbo ng mayayamang pamilya samantalang lumalawak ang bilang ng mahihirap dahil na rin sa katiwalian sa pamahalaan.
Sa panig ni G. Garcia, binanggit niyang ikinagulat niya ag malaking budget na inilalaan ng pamahalaan sa sektor ng Kalusugan. Ipinagmamalaki umano ng pamahalaang Cubano na nasugpo na nila ang karamdamang may kinalaman sa puso at presyon at umaasa silang makakamtan ang gamot sa sakit na kanser sa mga susunod na panahon.
Pumanaw si dating Pangulong Fidel Castro noong Sabado ng umaga (oras sa Pilipinas) at alas diyes y veinte nueve ng gabi oras sa Cuba.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |