|
||||||||
|
||
Pamahalaan, kailangang kumilos sa coconut levy
UPANG pakinabangan ng mga magsasaka sa niyog ang salaping mula sa coconut levy, kailangang maipasa na ang panukalang batas na nagbibigay ng katuturan kung paano magagastos ang salaping aabot sa P 73 bilyon.
Ito ang sinabi nina Romeo Royandoyan, isa sa mga namumuno sa Multi-Sectoral Task Force on the Coconut Levy at Jose "Pepe" Sarmiento, economic adviser ng Confederation of Coconut Farmers Organizations sa idinaos na "Tapatan sa Aristocrat" kaninang umaga.
Para kay G. Royandoyan, pinagtutulungan nila nina dating Senador Bobby Tanada at dating Congressman Oscar Santos na maging batas ang kanilang panukala upang manatiling trust fund ang pondo at tanging ang interes na aabot sa P 2 hanggang 3 bilyon ang magagamit sa pagpapaunlad ng mga lupaing natatamnan ng niyog.
Binanggit ni G. Sarmiento na kailangang mapalitan ang matatandang puno at kailangang mapasigla ang uri ng niyog upang mabuhay ang industriya.
Para kay G. Takashi Sumi, pangulo ng Atlas Fertilizer Corporation, makaaambag ang kanyang kumpanya sa pamamagitan ng pagpapakilala ng bagong teknolohiya upang madagdagan ang produksyon ng mga magsasaka at gumanda ang kita ng sektor. Mahalaga itong maka-ambag sa Gross National Product ng Pilipinas, dagdag pa ni G. Sumi.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |