|
||||||||
|
||
Benta ng mga sasakyan, lumago pa
PATULOY na yumabong ang industriya ng mga sasakyan sa Pilipinas noong nakalipas na buwan. Sa isang ulat ng Chamber of Automotive Manufacturers of the Philippines at Truck Manufacturers Association, umabot sa 32,966 na unit ang naipagbili at kinakitaan ng 22.2% na dagdag sa nakalipas na panahon noong 2015 sa pagkakaroon ng 26,979 units.
Umabot sa 12,143 units na pangpasaherong kotse ang nabili at mas mataas ng 14% sa 10,649 na unit na nabili noong nakalipas na Nobyembre 2015. Tumaas din ang commercial vehicles segment sa pagkakaroon ng 20,823 units at nagtaglay ng 27.5% na dagdag sa 16,330 unit na nabili noong nakalipas na taon.
Ayon kay Atty. Rommel Gutierrez, pangulo ng CAMPI, ang light trucks at buses ang nagkaroon ng 84.7% growth sa bentang 968 units mula sa 524 noong Nobyembre 2015. Ang Heavy Duty Trucks naman ay nagkaroon ng 40.9 % increase sa bentang 365 units mula sa 259 units noong Nobyembre ng 2015.
Ang AUVs ay lumago ng 28% sa pagkakaroon ng 12,905 units mula sa 10,344 units noong nakalipas na taon. Ang Heavy Duty Truck and Buses ang bumagsak ng 18.1 % sa bentang 136 units mula sa 166 units noong nakalipas na taon.
Magaganda ang mga promosyon at diskwentong ibinigay ng mga kumpanya kaya higit na sumigla ang benta ng mga sasakyan.
Nahigitan na ang naitalang 325,468 units na naipagbili noong Nobyembre ng 2015. Toyota Motor Philippines pa rin ang nangunguna sa pagkakaroon ng 44.34% market share. Pangalawa ang Mitsubishi Motors na nagtaglay ng 17.14% share. Ford Motor Philippines naman ang pangatlo sa 9.37% samantalang ang Isuzu Philippines Corporation ang nasa ika-apat na uesto sa 7.50% at Honda Cars naman ang nagkaroon ng 6.27%.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |