|
||||||||
|
||
Andres Bonifacio, ang tunay na bayani at 'di si Ferdinand Marcos
PINURI ng mga militanteng mambabatas si Gat Andres Bonifacio sa paggunita ng kanyang ika-153 taong kapanganakan ngayon. Ayon sa mga mambabatas, si Bonifacio ang Ama ng Rebolusyon noong 1896 at hindi ang diktador na si Ferdinand Marcos.
Ginawa ng mga mambabatas ang pahayag kasunod ng paglilibing sa labi ni G. Marcos sa Libingan ng mga Bayani na binigyan ng pahintulot ng Korte Suprema at tahasang sinuporthan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Bayan Muna Congressman Carlos Zarate, isang bill at resolusyon ang kanyang ipinarating sa Mababang Kapulungan upang kilalanin si Bonifacio bilang pambansang bayani at bilang kauna-uynahang pangulo sa halip na ang kinilalang si Emilio Aguinaldo.
Idinagdag ni Anakpawis Congressman Ariel Casilao na kapuri-puri si Bonifacio na pamumuno sa himagsikan upang wakasan ang 300 taon ng panggigipit ng mga Kastila samantalang iginawad ni Marcos ang batas militar upang manatili siya sa kanyang poder sa dalawampung taong brutal na pamumuno sa bansa.
Sa panig ni Alliance of Concerned Teachers Congressman Antonio L. Tinio, pinagsikapan ni Bonifacio na mapalaya ang bansa samantalang sa pamumuno ni Marcos, nakita ang kanyang pagiging diktador at mga paglabag sa Karapatang Pangtao.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |