|
||||||||
|
||
Pambansang samahan ng mga abogado, nababahala
MAPANGANIB ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na isusunod niya sa kanyang kampanya laban sa droga ang mga abogadong nagtatanggol sa mga kinikilalang drug lord.
Naglabas ng pahayag ang Integrated Bar of the Philippines at nagsabing matatakot ang karamihan ng mga abogadong magtatanggol sa mga inaakusahan ng pagiging sangkot sa illegal na droga. Nararapat lamang manatili ang kalayaan ng mga abogadong mamili at tumanggap at maging tagapagtanggol sa alinmang usaping kriminal na walang anumang pangamba na mapapasa-panganib ang kanilang buhay.
Ang pagkakaroon ng abogado ay hindi lamang karapatan ng bawat akusado bagkos, ito ay isang sinumpaang propesyon ng bawat kasapi ng Integrated Bar of the Philippines.
Niliwanag ng Integrated Bar of the Philippines na hindi nila kukupkupin o pababayaang magpatuloy ang masamang ugali ng sinumang kasapi ng samahan ng mga abogado na masangkot sa ilegal na kalakal ng droga. Sa nilagdaang pahayag nina Atty. Rosario Setias-Reyes at mga pangalawang pangulo mula sa siyam na iba't ibang rehiyon, sinabi nilang ang bawat abogado ay hindi lamang nararapat magkaroon, bagkos ay may obligasyon na maghanap ng paraan sa ilalim ng batas at Rules of Court na ipagtanggol ang kanyang kliyente.
Ayon sa kanilang pahayag, sa mga usaping kriminal, ang karapatan ng akusado na magkaroon ng tagapagtanggol ay 'di kailanman nararapat mawala. Magkakaroon ng 'di pagkilala sa due process. Ang karapatang magkaroon ng abogado ay mula sa fundamental principle ng due process na nangangahulugang nararapat marinig ang panig ng isang akusado bago siya mahatulan.
Ito ang buod ng desisyong may pamagat na Callangan vs. People of the Philippines na may G. R. Number 153414 noong ika-27 ng Hunyo 2006.
Hindi lamang binabanggit sa Saligang Batas ang pagkakaroon ng tagapagtanggol ng sinumang aksuado sapagkat napapaloob ito sa fundamental principles ng karapatan at pagiging patas lalo pa't nahaharap ang akusado sa napakalawak na poder ng pamahalaan.
Napapaloob sa Bill of Rights ang mga probisyon na tutugon sa kawalan ng katarungan kaya't kailangan ang tagapagtanggol.
Binanggit ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati noong Miyerkoles ng gabi na isasama na niya ang mga abogado sa kanyang mga kakasuhan kasama ng mga drug lord.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |