|
||||||||
|
||
20170116 Melo Acuna
|
TUMAAS ang padalang salapi ng mga Filipino mula sa iba't ibang bansa noong nakalipas na Nobyembre. Umabot ito sa US$ 2.4 bilyon at kinatagpuan ng 18.4% na paglago kung ihahambing sa nakamtang padala noong Nobyembre ng 2015.
PAGBABA NG PADALANG SALAPI MULA SA MAGDARAGAT, NAPUPUNA. Bahagyang bumaba ang padalang salapi ng mga magdaragat noong Nobyembre dala ng maigting na kompetisyon mula sa mga magdaragat na galing sa Silangang Europa. Ito ang napuna ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Amando Tetangco, Jr. sa isang pahayag. (File Photo/Melo Acuna)
Mula Enero hanggang Nobyembre ng 2016 ay umabot sa US$ 26.9 bilyon ang salaping naipadala ng mga manggagawa mula sa iba't ibang bahagi ng daigdig. Ayon kay BSP Governor Amando M. Tetangco, Jr. ang increase sa personal remittances ay dulot sa paglawak ng 7.8% sa padalang salapi mula sa land-based workers na may kontratang higit sa isang taon kaya't umabot sa US$ 20.9 bilyon. Ito ang naging pantakip sa pagbaba ng may 3.6% sa remittances mula sa sea-based and land-based workers na may kontratang kulang sa isang taon na nagkakahalaga ng US$5.5 bilyon.
Ang cash remittances mula sa overseas Filipinos na idinaan sa mga bangko ay lumago ng 18.5% kung ihahambing sa naipadalang salaping dumaan sa bangko noong 2015, at umabot sa US$ 2.2 bilyon. Ang pinagmulan ng pinakamalalaking padala ay ang Estados Unidos, United Arab Emirates, Japan, Saudi Arabia at Qatar.
Kung susumahin ang year-to-date bases, ang remittances sa unang 11 buwan ng 2016 ay umabot sa US$ 24.3 bilyon at kumakatawan sa 5.2% increase mula sa 2015 level. Ang pinagsanib na cash remittances mula sa land-based workers ay tumaas ng US$ 1.4 bilyon na siyang pantakip sa pagbaba ng US$ 200 milyon sa sea-based workers remittances sa mainit na kompetisyon ng mga magdaragat mula sa Silangang Asia at Silangang Europa. Ang pag-unlad ng economic conditions, partikular sa America, ang nakadagdag sa pangkalahatang kaunlaran sa remittances.
Ang salapi ay mula sa America, Saudi Arabia, UAE, Singapore, United Kingdom, Japan, Qatar, Kuwait, Hong Kong at Germany. Umabot sa higit sa 80% ng total cash remittances sa unang 11 buwan ng taong 2016 ang nagmula sa mga bansang nabanggit.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |