|
||||||||
|
||
Mga dalubhasa, umaasang maganda ang makakamit ng Pilipinas sa pamumuno sa ASEAN
NANINIWALA ang mga dating opisyal ng pamahalaang makikinabang ang Pilipinas sa pamumuno nito sa Association of Southeast Asian Nations ngayong taon. Ito ang kanilang mga pahayag sa idinaos na Tapatan sa Aristocrat kanina.
Para kay dating Defense Undersecretary Antonio Santos, tanging sa Timog Silangang Asia na lamang pinahahalagahan ang pag-uusap at pagbuo ng iisang tinig sa isyung makaaapekto sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ipinaliwanag naman ni dating National Security Adviser J. Roilo Golez, mahalaga ang papel ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamumuno sa samahang magdiriwang ng ika-50 anibersaryo ngayong taong ito. Magtatagumpay ang mga layunin ng iba't ibang bansa kung mapag-uusaparan ng mga kalahok na bansa subalit malamang na mabago ng kulay ng pagtitipon sa oras na makialam ang malalaki at maimpluwensyang bansa tulad ng Estados Unidos, Tsina, India, Australia, Russia at Japan.
Ipinagpasalamat din niya ang pagkakaroon ng kaukulang pansin sa Code of Conduct in the South China Sea na matagal na pinag-usapan subalit hindi nagbunga sa kasunduan.
Naniniwala din si Secretary Golez na walang katiyakan kung ano ang magiging mga kilos at pahayag ni incoming American President Donald Trump.
MAGANDA ANG HINAHARAP NG EDUKASYON SA ASEAN. Naniniwala si Dr. Ester B. Ogena, pangulo ng Philippine Normal University na maganda ang tinatahak ng sektor ng Edukasyon sa pamumuno ng Pilipinas sa ASEAN. Na sa larawan din sina dating Health Undersecretary Ted Herbosa (dulong kaliwa), dating National Security Adviser J. Roilo Golez at dating Defense Undersecretary Antonio Santos (dulong kanan). (Melo M. Acuna)
Sa panig ni Dr. Ester B. Ogena, pangulo ng Philippine Normal University, makakasabay na ang Pilipinas sa mga kalapit bansa sa larangan ng Edukasyon sapagkat mayroon na rin namang K-12 program. Mahalaga lamang na bigyang pansin ang Math and Sciences sapagkat nasa panig na ito ang kumpetisyon.
Nabatid sa mga pagsusuri na may mga gurong nagtuturo ng Science and Math subjects kahit walang sapat na kakayahan o pagsasanay sa kanilang college education. Nangangamba si Dr. Ogena na baka dumating ang panahong mas maraming mga guro ang lalabas ng bansa sa mataas na pasahod sa mga English teacher na mula US$ 10 hanggang US$ 12 bawat oras.
Mayroon umanong sapat na programa ang pamahalaan upang makatugon sa pangangailangan sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga magiging guro upang magpakadalubhasa sa larangan ng Math and Science.
Ipinaliwanag naman ni dating Health Undersecretary Teodoro Herbosa na angat ang Pilipinas sa larangan ng medisina bagama't hindi pa makalalamang sa Singapore. May sapat na salapi na ang pamahalaan sa pamamagitan ng sin taxes subalit ang nalalabing hamon ay kung paano magagastos ng maayos ang salaping ito upang higit na makinabang ang nakararaming mahihihirap sa kanayunan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |