|
||||||||
|
||
Paksang pag-uusapan sa Roma, isusumite kay Pangulong Duterte
NAKATAKDANG dalhin ni chief government negotiator Silvestre Bello III ngayong araw na ito ang mga dokumento hinggil sa mga paksang pag-uusapan sa ikatlong paghaharap ng peace talks sa National Democratic Front (NDF) sa pagsisimula ng paghaharap na muli mula sa Huwebes hanggang sa Miyerkoles sa Roma, Italya.
Ani Secretary Bello, handang makipag-usap ang panig ng pamahalaan hinggil sa mahahalagang paksa kabilang ang mga kasunduan upang magkaroon ng payapang paglutas sa mga sigalot upang matapos ang labanan sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Nakatakdang dumalaw kay Pangulong Duterte sa Malacanang ang government (peace) panel bago lumisan patungong Italya ngayong gabi.
Kabilang sa mga dokumentong isusumite ay ang draft agreements at principles para sa comprehensive agreement sa socio-economic reforms (CASER), comprehensive agreement on political and constitutional reforms at ang comprehensive agreement upang matapos na ang labanan at ang magiging tayo ng mga sandatahang lakas.
Ipinaliwanag ni Secretary Bello na ginagawa nila ito upang magkaroon ng tunay na pagkakasundo at sa paghahanap ng makatarungan at matagalang kapayapaan.
Umaasa si G. Bello na magkakaroon ng magandang kalalabasan ang pag-uusap sa Roma. Handa rin silang lumagda sa iba pang kasunduan samantalang pinag-uusapan pa ang nilalaman ng major substantive agenda.
Ipinaliwanag ni Bello na Secretary of Labor din, na ang pamahalaan ay handang lumagda sa supplemental agreement sa Comprehensive Agreement on Respect of Human Rights and International Humanitarian Law na katatampukan ng pinalawak na papel ng Joint Monitoring Committee.
Hinahamon din nila ang panig ng NDF na gawing pormal ang unilateral ceasefire at gawing bilateral ceasefire agreement upang madali ang peace process.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |