![]() |
|
|
||||||
![]() |
![]() |
![]() |
||
![]() |
||
![]() |
||
|
||
![]() |
||
![]() |
Civil Society Organizations, nanawagan sa ASEAN na huwag kalilimutan ang mga mamamayan
KAILANGANG PAKINGGAN ANG MGA MAMAMAYAN. Ito ang sinabi ni Prof. Ed Climaco Tadem, pangulo ng Freedom from Debt Coalition sa pagtatapos ng pulong ng mga kinatawan ng civil society groups sa ASEAN. Maghahandog sila ng mga panukala sa mga pinuno ng ASEAN, dagdag pa ni Prof. Tadem (Melo M. Acuna)
ANG ASEAN AY PARA SA MGA MAMAMAYAN. Sinabi ng mga kinatawan ng iba't ibang bansa sa ASEAN na ang pangrehiyong samahan ay kailangang sumuporta sa mga mamamayan, para sa mga mamamayan at pamumunuan ng mga mamamayan. Ito ang kanilang panawagan ng mga kabilang sa civil society organizations. (Melo M. Acuna)
MAHALAGA ang regional integration sa mga bansang kasama sa ASEAN lalo't higit kung matutugunan ang matagal nang mga isyu na nakaapekto sa mga mamamayan ng maunlad na rehiyon.
Matapos ang tatlong araw na pagpupulong sa Metro Manila, humarap ang mga kinatawan ng ASEAN Civil Society Conference at ASEAN People's Forum 2017 sa Dusit Thani Hotel sa Makati kanina at inihayag ang kanilang panawagan sa mga pamahalaan ng ASEAN. Wala umanong partisipasyon ang mga mamamayan sa mga desisyong ginagawa ng ASEAN samantalang patuloy na lumalawak ang agwat ng mayayaman at mahihirap na bansa, kawalan ng pagkilos sa larangan ng human rights at ang pananatili ng mga elitista at market-oriented development strategies.
Ayon kay Dr. Ed Climaco Tadem, pangulo ng Freedom from Debt Coalition, sa paglipas ng mga taon, ikinababahala pa ng mga kabilang sa civil society organization ang neoliberal integration. Kailangang bigyang halaga ang bagong uri ng regional integration ayon sa mga alternatibo ng mga bansa at ayon sa pagtutulungan ng mga mamamayan sa kapwa mamamayan sa halip na bansa sa bansang pag-uugnayan o market-oriented solutions sa mga problema ng rehiyon.
Sa pamumuno ng Pilipinas sa mga pulong sa Abril at Nobyembre, magkakaroon din ng ASEAN high-level meetings sa bansa. Ang ASEAN Civil Society Conference ay magkakaroon ng parallel activities upang ilabas ang mga isyu ng mga mamamayan sa rehiyon tulad ng kinagawian sa nakalipas na 11 taon.
Katatapos pa lamang ng First Regional Consultation Meeting kahapon. Dinaluhan ito ng mga kinatawan ng mga bansang kasama sa ASEAN. Kabilang sa mga isyung napag-usapan ang human rights at ang "access to justice," peace and human security, trade, climate change, migration, job and livelihood at social protection. Kabilang sa mga sektor na nagkaroon ng mga kinatawan sa pulong ay mga manggagawa, maralitang tagalunsod, mangingisda, kababaihan mga kabataan, LGBT community, mga katutubo, migrante, matatanda, manggagawa, kabataan at mga taong may kapansanan.
May mga kinatawan mula sa Brunei, Cambodia, Indonesia, Lao People's Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Singapore, Timor Leste, Thailand at Vietnam.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |