|
||||||||
|
||
Dating Senador Leticia Ramos-Shahani, namayapa na
PUMANAW na si dating Senador Leticia Ramos-Shahani sa edad na 87. Siya ang nakababatang kapatid ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ayon sa kanyang anak na si Lila Shahani, secretary general ng Philippine National Commission to UNESCO, pumanaw ang dating mambabatas at diplomata kaninang alas dos cuarenta ng umaga. Pumanaw ang iginagalang na mambabatas ilang oras matapos ang ika-50 kaarawan ni Lila Shahani.
Tumagal ang dating senador sa intensive care unit ng isang pagamutan matapos lumala ang kanyang karamdamang cancer. Magsisimula ang public viewing sa darating na Miyerkoles sa Funeraria Paz sa Sucat, Paranaque.
Dadalhin ang kanyang labi sa Senado sa Huwebes, sa Department of Foreign Affairs sa Biyernes ng hapon at sa Cosmopolitan Church sa Taft Avenue sa Maynila sa Biyernes ng gabi. Sa Sabado at Linggo, mananatili ang kanyang labi sa Funeraria Paz at gagawin ang cremation sa Lunes.
Nabantog si Senador Shahani sa mga isyu ng kababaihan. Naglingkod siya sa UN Division of Human Rights mula 1964 hanggang 1968 at naging chairperson ng Commission on the Status of Women noong 1974.
Naglingkod siya sa Australia bilang Ambassador ng Pilipinas mula 1981 hanggang 1986 at secretary general ng World Conference on the United Nations Decade of Women sa Kenya noong 1986.
Nahirang siyang UN Assistant Secertary General for Social and Humanitarian Affairs. Nahalal siyang Senador ng Pilipinas mula 1987 hanggang 1998 at chairperson ng Senate Foreign Relations Committee, Senate President Pro-Tempore at Chair ng Committee on Education, Arts and Culture at iba pang mga komite.
Nag-akda at nagtaguyod ng iba't ibang batas sa larangan ng kultura, edukasyon, pagsasaka, foreign service, women's rights at animal rights.
Siya ang namuno sa pagkakaroon ng Moral Recovery Program na naglayong ibalik at pasiglahin at ethical values sa pamahalaan at pagpapatakbo ng bansa.
Regular siyang naging panauhin sa "Tapatan sa Aristocrat" at "Wednesday Roundtable @ Lido" sa pagtalakay ng mahahalagang isyu sa larangan ng relasyon ng Pilipinas at Tsina, epekto ng desisyon ng International Arbitral Tribunal at pagkakaroon ng tamang asal sa paglalakbay sa iba't ibang bansa kasama ng pagpapahalaga sa protocol at paggalang sa mga pinuno ng iba't ibang pamahalaan.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |