|
||||||||
|
||
Mahalagang papel ng Pilipinas sa pang-rehiyong kaunlaran, pinag-usapan
NANINIWALA si Chinese Vice Premier Wang Yang sa kahalagahan ng Pilipinas sa panukalang Regional Comprehensive Economic Partnership na itinataguyod ng Tsina.
Sa isang pulong na dinaluhan ng mga kasapi ng gabinete sa Davao na pinamunuan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III, sinabi ni Vice Premier Wang na suportado ng Tsina ang Pilipinas sa pamumuno nito sa Association of Southeast Asian Nations ngayong taon sa pagdiriwang ng ika-50 taunang anibersaryo.
Binigyang-diin ni Vice Minister Wang na kinikilala ng Tsina ang ASEAN bilang isang diplomatic priority at malaki ang magiging ambag ng Pilipinas sa larangan ng regional cooperation.
Sinabi naman ni Secretary Dominguez na kasama ang Tsina, mangunguna ang ASEAN sa kaunlaran ng rehiyon at magiging malawak ang saklaw nito sa larangan ng bilang ng mamamayan.
Umaasa rin si G. Dominguez na magkakatotoo ang pag-asa ni Pangulong Duterte na magtatapos ang pag-uusap hinggil sa RCEP.
Hindi matatawaran ang papel ng Pilipinas sa RCEP, dagdag naman ni Vice Premier Wang.
Sinimulang pagusapan ng ASEAN ang RCEP noong Nobyembre 2012 ng sampung kasaping bansa na kinabibilangan ng Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Pilipinas, Singapore, Thailand at Viet Nam. Kasama rin sa paguusap ang anim na ASEAN free-trade partners na kinabibilangan ng Australia, People's Republic of China, India, Japan, Republic of Korea at New Zealand sa ika-21 ASEAN Summit and Related Summits.
Halos kalahati ng mga mamamayan sa daigdig ang matatagpuan sa 16 na bansang kasama sa ASEAN at kinalalagyan ng halos 30% ng pandaigdigang Gross Domestic Product at one-fourth ng pandaigdigang exports.
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |