Maute Group, nakapasok ng Metro Manila
NAGPARAMDAM na ang Maute Group sa Metro Manila matapos madakip ang isang kasapi nito sa Quezon City. Ito ang ibinalita ni PNP Director General Ronald dela Rosa.
Tuloy pa rin ang imbestigasyon kung gaano na kalalim ang grupong naitayo sa Metro Manila, dagdag pa ni G. Dela Rosa. Nadakip ang isang Nasip Ibrahim, 35 taong gulang sa Salaam Compound, Barangay Culiat, Quezon City. Nagtataglay ang nadakip ng dalawang kalibre .45 baril, isang submachine gun, isang improvised explosive device na may balang mula sa 60-mm mortar at pitong maliliit na supot ng pinaghihinalaang shabu.
Ani G. Dela Rosa, si Ibrahim ay bahagi ng isang grupong nagtangkang mangbomba sa Rizal Park noong Nobyembre. Hindi natuloy ang balak kaya't inilagay na lamang sa may United States Embassy sa Roxas Blvd.
Si Ibrahim ang ikalimang kasapi ng grupo. Si Ibrahim ang sinasabing tsuper ng isang sasakyang ginamit sa pagtatangkang pagpapasabog. Dinala niya ang pampasabog mula Mindanao hanggang Metro Manila.
1 2 3 4 5