|
||||||||
|
||
Umaabot sa higit sa 5,000 mga Filipino ang umaalis ng bansa bawat araw
SA likod ng pagbagal ng pandaigdigang ekonomiya, nanatiling matatag ang pangangailangan para sa mga manggagawang Filipino sa iba't ibang bahagi ng daigdig.
Ito ang napapaloob sa balitang mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagtatamo ng US$ 17.9 bilyong dolyar sa unang pitong buwan ng 2017.
Ayon kay Officer-In-Charge Diwa C. Gunigundo, ang padalang salapi ng mga Filipino noong nakalipas na Hulyo ay umabot sa US$ 2.6 bilyon at mas mataas ng 6.7 porsiyento sa nakamtan noong nakalipas na Hulyo ng 2016.
Umabot sa US$ 13.8 bilyon ang naipadalang salapi ng mga manggagawang nasa iba't ibang bansa na may mga kontratang higit sa isang taon. Mayroon namang ambag ang mga magdaragat at iba pang manggagawa na mababa sa isang taon ang kontrata sa halagang US$ 3.6 bilyon.
Ang salaping idinaan sa mga bangko ay umabot sa US$ 2.3 bilyon at mas mataas ng 7.1% kaysa naitala noong nakalipas na Hulyo ng taong 2016.
Aabot sa halos 80% ng naipadalang salapi sa Pilipinas ang mula sa Estados Unidos, Saudi Arabia, United Arab Emirates, Singapore, Japan, United Kingdom, Qatar, Kuwait, Germany at Hong Kong sa unang pitong buwan ng 2017.
Ibinalita ng Philippine Overseas Employment Administration na naproseso nila ang kontrata ng may 1,222,003 manggagawang Filipino mula Enero hanggang July ng 2017. Ang bilang na ito ay 58% ng mga manggagawang lumabas ng Pilipinas noong 2016 sa bilang na 2,112,331.
Aabot sa 5,764 na Filipino ang umaalis ng Pilipinas bawat araw.
Sinabi naman ng IBON Research na aabot sa halos 9% ng Gross Domestic Product ang mula sa padalang salapi ng mga manggagawang Filipino.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |