|
||||||||
|
||
Maganda ang taong 2018 para sa Pilipinas
MAGANDA ANG 2018. Aron kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Nestor A. Espenilla, Jr. umaasa siyang higit na maganda para sa bansa, sa ekonomiya at sa mga mamamayan ang bagong taon. Humarap siya sa mga mamamahayag at mga kasapi ng Tuesday Breakfast Club kanina. (Melo M. Acuna)
SINABI ni Governor Nestor A. Espenilla, Jr. ng Bangko Sentral ng Pilipinas na layunin nilang mapatatag pa ang mga programa ng bansa sa larangan ng ekonomiya upang mapaunlad ang karamihan ng mga mamamayan.
Sa kanyang talumpati sa harap ng Tuesday Breakfast Club, sinabi ni Governor Espenilla na sa nakalipas na tatlong quarter ng 2017 ay lumago ang ekonomiya ng 6.7 percent dahil sa produksyon at domestic spending.
Umaasa si Governor Espenilla na magkakaroon ng mas magandang taon ngayong 2018. Malakas din ang manufacturing at servce sector na nasabayan ng masiglang paggasta ng mga mamamayan at paglalabas ng salapi ng pamahalaan para sa mga pagawaing-bayan o infrastructure.
Nananatili ang Pilipinas na isa sa pinakamaunlad na bansa sa Asia, dagdag pa ni G. Espenilla. Sa pagkakaroon ng pagbawi ng mga ekonomiya sa buong daigdig, lumalakas na naman ang pamilihan para sa mga produktong gawa sa Pilipinas.
Subalit sa likod ng magagandang pangyayari, pinaghahandaan pa rin nina G. Espenilla ang mga posibleng maganap sapagkat kakaiba ang pananaw ng Estados Unidos ngayon samantalang mayroong usapin sa pag-alis ng Great Britain sa European Union na magkakaroon ng epekto sa pandaigdigang pamilihan. May sigalot ring nagaganap sa Middle East na posibleng makaapekto sa halaga ng petrolyo. Sa Middle East nagmumula ang malaking bahagi ng foreign remittances.
Bagaman, sinabi ni G. Espenilla na laging may paraan ang mga Pilipino na makapagpadala ng salapi papasok sa bansa. Ikinababahala rin niya ang tensyon sa Korean Peninsula.
Maganda ang pananalapi ng Pilipinas at ginagawa ng Bangko Sentral ang lahat upang mapatatag ang sistema sa anumang panganib tulad ng isyu sa cyber security. Binabantayan nila ang mga nagaganap sa paligid ng bansa, dagdag pa ng gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |