|
||||||||
|
||
20180208melo.m4a
|
International Criminal Court, susuriin ang mga impormasyon hinggil kay Pangulong Duterte
INAMIN ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na magkakaroon ng pagsusuri ang International Criminal Court sa mga dokumentong nagmula kina Atty. Jude Sabio, Senador Antonio Trillanes IV at Congressman Gary Alejano.
Sa isang press briefing kanina, sinabi ni Secretary Roque na magkakaroon ng preliminary examination ng reklamong nagmula kay Atty. Sabio. Sa pamamagitan ng ganitong proseso, mababatid kung may sapat na dahilan upang ipagpatuloy ang tinaguriang preliminary investigation. Magugunitang nagtungo sa The Hague si Atty. Sabio upang isumite ang kanyang komunikasyon sa International Criminal Court.
Nanawagan si G. Sabio sa International Criminal Court na siyasatin si Pangulong Duterte sampu ng kanyang mga kasama sa pagpapatuloy ng walang pakundangang pagpatay.
Si G. Sabio ang siyang abogado ng umaming mamamatay-tao sa Davao na kinilala sa pangalang Edgar Matobato. Sinabi noon ni G. Matobato sa pagdinig sa Senado na may kakaibang paraan si G. Duterte sa pagpapatupad ng batas tulad ng pagkakapaslang sa mga kabataan sa Davao City noon pang mga huling taon ng Dekada 80.
Nabanggit ni Secretary Roque na ikinalugod pa ni Pangulong Duterte ang pagsasagawa ng pagdinig sa usapin ng paglabag sa human rights. Kung kakailanganin ay si G. Duterte mismo ang magtatanggol sa kanyang sarili.
Sa panig naman ni Atty. Sabio, ikinalugod din niya ang pagkilos ng International Criminal Court sapagkat napabulaanan ang mga pahayag noong mali at walang sandigan ang mga reklamo.
Sa wakas, ani G. Sabio, mahaharap sa pagsisiyasat si G. Duterte sampu na rin ng kanyang mga tauhang nagbulag-bulagan sa bilang ng mga napaslang sa buong bansa.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |