|
||||||||
|
||
Mga Koreano, nanguna sa mga banyagang dumalaw sa Pilipinas
MGA TURISTANG TSINO, PATULOY NA DUMARAMI. Naungusan na ng mga Tsino ang mga turistang mula sa America at Japan. Ito ang sinabi ni Undersecretary Rolando Cañizal sa knyang talumpati sa Philippine Travel Agencies Association gala dinner kanina. (Melo M. Acuna)
NANGUNGUNA pa rin sa talaan ng mga dumalaw sa Pilipinas ang mga Koreano noong nakalipas na 2017. Ito ang sinabi ni Tourism Undersecretary Rolando Cañizal sa kanyang talumpati kanina sa pagsisimula ng Philippine Travel Agencies Association export gala sa Conrad Hotel, Manila.
Umabot sa bilang na 1.5 milyon ang mga Koreanong turistang dumalaw sa Pilipinas bagama't pumangalawa na ang Tsina sa pagkakaroon ng 968,447 na turista na kinakitaan ng paglagong 43% mula sa datos noong 2016.
Ani Undersecretary Cañizal, mula sa ika-apat na pinakamalaking pinagmulan ng mga turista noong 2015 sa pagkakaroon ng 490,841 katapo, lumago na ito sapagkat dumami ang chartered flights mula sa iba't ibang lungsod ng Tsina patungo sa Cebu, Clark sa Angeles City at maging sa Kalibo, Aklan. Hindi magtatagal ay magkakaroon din ng mga chartered flights patungong Puerto Princesa.
Naungusan na ng Tsina ang Estados Unidos at Japan sa mga pinagmulan ng mga turista.
Kasama na rin sa top 12 ang India na ngkaroon ng 107,278 turista noong 2017 at patuloy na lumalago sa pagkakaroon ng dagdag na 18% noong 2017.
Kailangang mapahusay pa ang air connectivity sa bansa upang magkaroon ng mga turistang dadalaw sa Pilipinas sapagkat 99% sa mga ito ang sumasakay sa mga eroplano. Mahalagang maibsan ang pagkabalam ng mga paglalakbay at matugunan ang lumalagong bilang ng mga turista papasok at palabas ng bansa.
Dapat mapalaki ang mga paliparan at maayos ang mga terminal kasabay ng mas mabilis na paglapag at paglipad ng mga eroplano, dagdag pa ni Undersecretary Cañizal.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |