|
||||||||
|
||
National ID system kailangan na
NATIONAL ID SYSTEM, MADALI NANG MAGKATOTOO. Sinabi ni Atty. Ivy Grace Torres Villasoto ng National Privacy Commission na gagawin nila ang lahat upang maiwasan ang anumang breach sa datos na naglalaman ng detalye ng mga mamamayan bilang pagtupad sa National ID Sytem. Magaganap ito sa oras na makapasa sa Senado ang panukalang batas. (Melo M. Acuna)
P 25 BILYON PARA SA NATIONAL ID. Ayon kay G. Edgar Fajutagana ng Philippine Statistics Authority, patuloy na maglalaan ng salami ang pamahalaan hanggang sa matapos ang pagpapatupad ng National ID System. (Melo M. Acuna)
NARARAPAT KASAMA ANG LAHAT SA NATIONAL ID. Nanawagan si Atty. Manny Luna, isa sa mga abogado ng Volunteers Against Crime and Corruption na isama ang lahat ng mga mamamayan sa national ID system sapagkat magkakaproblema kung 93% lamang ng mga mamamayan ang magtataglay ng ID. (Melo M. Acuna)
NANINIWALA sina Atty. Ivy Grace Torres Villasoto ng National Privacy Commission at G. Edgar Fajutagana ng Philippine Statistics Office na magkakatotoo na ang pagkakaroon ng national identification system ng pamahalaang Filipino.
Sa idinaos na Wednesday Roundtable @ Lido, ipinaliwanag nilang mga mumunting impormasyon lamang ang magiging laman ng national identification card tulad ng pangalan, petsa ng kapanganakan, kasarian, tinitirhan at kung nanaisin ng taong ilagay ang kanyang email address at telephone numbers ay maisasama rin sa identification card.
Ang mga ID na ito ay magtataglay ng biometrics tulad ng fingerprints at iris upang makilala ang tunay na pagkatao ng nagtataglay na ID.
Hindi isasama ang SSS, PhilHealth, Tax Information Number, GSIS number at iba pang detalyes bagama't matatagpuan ito sa pagkakaroon ng pagtutulungan ng iba't ibang ahensya ng pamahalaan.
Inamin ni Atty. Villasoto na isang malaking hamon para sa kanila ang pagpapanatili ng integridad ng impormasyong tinataglay ng ID sapagkat nagkaroon na ng breach sa talaan ng mga botante kamakailan.
Sinabi naman nin Atty. Manny Luna, isa sa mga abogado ng Volunteers Against Crime and Corruption na matagal nang kailangan ang national ID system sapagkat may mga taong nabubuhay sa pagtatago ng kanilang pagkatao. Sa panig ni Chief Inspector Bryan Gregorio ng Philippine National Police naniniwala siyang magiging hadlang sa mga taong lumalabag sa batas sapagkat hindi na sila makagagamit ng iba't ibang pangalan.
Para kay Engr. Alberto Suansing, dating pinuno ng Land Transport Franchising and Regulatory Board at Land Transportion Office, malaking kabawasan ang makikita sa mga gumagamit ng lisensyang palsipikado.
Isang problema pa ang nakita ni Atty. Luna at ito ay ang pagpapatala sa mga katutubo at iba pang mga Filipino na walang kinalamang mayroon nang sistema ng pagpapatala. Malaking bagay ito sapagkat may pitong porsiyento ng mga Filipino ang hindi pa rehistrado.
Magkakaroon umano ng mga mobile registration centers upang maitala ang mga nasa malalayong pook.
Sa pagkakaroon ng National ID, inaasahang madadali ang pagtugon sa mga emerhensya at iba pang mga trahedyang posibleng maganap tulad ng malakas na bagyo at iba pang hagupit ng kalikasan.
| ||||
© China Radio International.CRI. All Rights Reserved. 16A Shijingshan Road, Beijing, China. 100040 |