Dumating ngayong araw, Marso 20, 2021 ang ika-4 na solar term ng Nong Li o Tradisyunal na Kalendaryong Tsino, na kilala rin sa tawag na Chun Fen o Spring Equinox.
Ang Chun Fen ay tatagal hanggang sa Abril 4 sa taong ito.
Tuwing araw ng Chun Fen, nagiging magsinghaba ang araw at gabi dahil ang araw ay nakaposisyon sa itaas mismo ng ekuwador.
Matapos ang araw na ito, ang araw ay magsisimulang poposisyon patungong hilaga at dahil dito, magsisimula ring hahaba ang tagal ng liwanag ng araw sa hilagang hemisperyo, kung saan, kapuwa matatagpuan ang Pilipinas at Tsina.
Sa kabilang dako, sa timog na hemisperyo, hahaba naman ang tagal ng dilim ng gabi.
Sa Tsina, mahalaga ang Chun Fen dahil ito ay kumakatawan sa ideya ng pagpapanibago o renewal.
Sa apat na sulok ng Tsina, abalang-abala rin ang mga magsasaka sa pagtatanim sa tagsibol.
Kasabay nito, bunga ng pag-init ng panahon, bumabalik na sa dakong hilaga ng bansa ang mga migratory bird na gaya ng swallow.
Bunsod naman ng mas maraming pagpatak ng ulan, nagsisimula nang mapakinggan ang kulog at makita ang kidlat.
Tuwing Chun Fen nakikita rin ang samu't saring namumukadkad na bulaklak sa buong Tsina.
Nakakalibang pagmasdan ang mga kulay pink na bulaklak ng peach, puting-puting bulaklak ng plum, at dilaw na winter jasmine.
Peach blossom
Plum blossom
Winter jasmine
Kaya naman, sa panahon ng Chun Fen, isinasagawa ng mga tao ang ibat-ibang aktibidad at paniniwala, at inoobserbahan ang ilang natural na penomena.
Sa pagpasok ngayong araw ng Chun Fen, nais naming ihandog sa inyo ang ilang napaka-interesanteng bagay kaugnay ng solar term na ito.
Paggantimpala sa Baka
Ang Tsina ay isang tradisyunal na agrikultural na bansa, at ang 牛(niú) o baka ay isang mahalagang katulong na hayop sa pag-a-araro at iba pang gawain sa bukid.
Bukod diyan, nagkataon ding ang 2021 ay Taon ng Baka, kaya ang kagawian ng Paggantimpala sa Baka tuwing Chun Fen ay napapanahon.
Sa timog na lugar ng ibabang bahagi ng Ilog Yangtze, isang popular at tradisyunal na kagawian ang pagbibigay ng bola-bolang gawa sa malagkit na bigas o sticky rice ball sa mga bakang katulong sa bukid.
Kasabay ng pagpasok ng Chun Fen, nagsisimula rin ang pag-a-araro, paglilinang, at pagtatanim sa mga sakahan, kaya isang paraan upang gantimpalaan ng mga magsasaka ang kanilang mga kaibigang hayop ay pagbibigay ng sticky rice ball, upang ipahayag ang taos-pusong pasasalamat.
Pagpapatayo ng Itlog
Isang popular na laro sa Tsina kapag Chun Fen ay pagpapatayo ng itlog, at ito ay may napakahabang tradisyong nagsimula pa 4,000 taon na ang nakakaraan.
Pero, bakit ito popular kapag Chun Fen?
Naniniwala ang mga Tsino, na ang aksis ng Mundo ay nakabalanse sa orbital plane ng pag-ikot nito sa araw tuwing Chun Fen, kaya pinakamainam na laruin ang Pagpapatayo ng Itlog sa panahong ito, dahil mas madaling patayuin ang itlog.
Ayon sa kagawian, ang sinumang makakapagpatayo ng itlog ay magkakaroon ng suwerte sa hinaharap.
Bukod pa riyan, napakasaya itong laruin kasama ang mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
Subukan ninyo at i-mensahe ninyo sa comment section ng artikulong ito ang inyong karanasan.
Maliban sa Tsina, nagsimula na ring sumikat ang larong ito sa ibang bansa.
Sa katunayan, may Guinness World Record na may kinalaman sa pagtatayo ng itlog.
Pagpapalipad ng Saranggola
Noong sinaunang panahon, wala pang akses sa malawak na kayamanang pangmedisina ang mga Tsino, kaya, sila ay nananalangin para sa mabuting kalusugan sa pamamagitan ng pagpapalipad ng saranggola.
Para maipahayag ang kahilingan sa langit, isinusulat nila ang kanilang mga karamdaman sa mga saranggolang gawa sa papel, at kapag ito ay lumilipad na, pinuputol ng mga Tsino ang pisi bilang simbolo ng paglipad-paalis ng kanilang mga sakit.
Di-naglaon, ang pagpapalipad ng saranggola ay naging popular na laro tuwing tagsibol, at tuwing Chun Fen, sa halip na karamdaman, isinusulat ngayon ng mga Tsino sa mga saranggola ang kanilang mabuting hangarin at pagbati upang makita ng langit ang mga ito.
Pagkain ng Chun Juan/Chun Bing
Ayon sa Tradisyunal na Medisinang Tsino (TCM), ang panahon ng tagsibol ay panahon din kung kailan lumilitaw ang mga sakit sa atay.
Kaya, inirerekomenda ng TCM na kumain ng mga pagkaing nagpapalusog ng atay na tulad ng goji berry, walnut, mani, red dates, pinatuyong longan, at mga pana-panahong gulay tulad ng leek, toge, litsugas, at iba pa.
Maliban sa mga ito, isa pang popular na pagkain sa tagsibol ay Chun Juan at Chun Bing.
Ang Chun ay nangangahulugang Tagsibol, ang Juan naman ay rolyo, at ang Bing ay pancake.
Ang lumpia o Chun Juan sa wikang Tsino ay pareho ng lumpia sa Pilipinas - may lumpiang sariwang at mayroon ding lumpiang prito.
Pero ang spring pancake o Chun Bing sa wikang Tsino na madalas na kinakain ng mga taga-hilagang Tsina ay medyo iba sa Chun Juan.
Ang Chun Bing na malimit na mas makapal ang pabalat nito kaysa sa Chun Juan, ay pinalalamnan ng ginisang toge, Chinese chives, itlog, at iba pang gulay na akma sa gusto ng nagluluto.
Kapuwa ang Chun Juan at Chun Bing ay masarap kainin, nagdadala ng ngiti at saya at nagpapalusog ng katawan.
Narito ang Chun Bing, kasama ng putahe ng isang karaniwang pamilya sa Beijing. Maaarin rin ninyong kainin kasama ng matamis na sarsa, na tulad ng nabanggit sa ibaba.
Narito at subukan ninyo ang simple recipe at paraan ng pagluluto:
Rekado (makakagawa ng mga 15 piraso)
· 200 gramo ng harina
· 100 gramo ng tubig
· Mantika
· Matamis na sarsa ng bean o tián miàn jiàng (mabibili sa mga Chinese supermarket)
· 5 itlog
· 1 katam-tamang laking carrot
· 1 katam-tamang laking pipino
Paraan ng Pagluluto
· Sa isang sisidlan, dahan-dahang paghaluin ang harina at tubig hangang ito ay maging masa;
· Takpan ng basang tuwalya at iwanan sa loob ng 20 minuto;
· Imasahe ang masa hanggang maging makinis;
· Paghiwa-hiwalayin ang masa sa 15 magkakaparehong bola-bola;
· Gamit ang rolling pin, pitpitin ang mga masang bola-bola hanggang maging patag at manipis, at pahiran ng kaunting mantika ang bawat isa upang maiwasan ang pagdidikit-dikit (ang mga ito ang magsisilbing pabalat);
· Iprito ang mga ito gamit ang mahinang apoy hanggang magkulay light brown, o pasingawan sa loob ng 15 minuto;
· Gayatin nang manipis ang carrot at pipino; at banlian ng mainit na tubig hanggang maging medyo malambot;
· Batiin ang itlog at iluto na tulad ng omelet. Sa sandaling maluto, gayatin na tulad ng carrot at pipino;
· Pahiran ng matamis na bean sauce ang mga pabalat, ilagay ang iba pang rekado at irolyo tulad ng lumpiya;
· Lasapin ang linamnam ng Chun Juan
Pakikisuyo: paki-mensahe sa amin kung anong lasa ng Chun Juan ang paborito ninyo.
Paki-share na rin ang recipe sa iba para matikman din nila.
Artikulo: Rhio Zablan
Script-edit: Jade/Rhio
Web-edit: Jade/Sarah
Source: Sarah
Jing Zhe, hudyat ng muling paggising, ibayong pagsigla at abalang pagsasaka
Parol, liwanag sa dilim at simbolo ng masaganang bukas ng kapuwa Pilipinas at Tsina
Yu Shui, tagapagdala ng biyayang ulan at panahon ng makukulay na kagawiang Tsino
Xiao Nian, paghahanda sa Bagong Taong Tsino at selebrasyon para sa masaganang bukas
Laro ng pagpapatayo ng itlog at pagkain ng lumpia, mga kaugalian sa Li Chun