Bilang tugon sa planong iniharap ng Sekretaryat ng World Health Organization (WHO) tungkol sa ikalawang yugto ng paghahanap ng pinagmulan ng coronavirus, sinabi nitong Biyernes, Hulyo 23, 2021 ni Tagapagsalita Zhao Lijian ng Ministring Panlabas ng Tsina, na ang planong ito ay hindi tugma sa kahilingan ng resolusyon ng Ika-73 Pangkalahatang Asemblea ng WHO, at hindi umaayon sa konklusyon at mungkahing inilabas ng China-WHO joint research report sa paghahanap ng pinagmulan ng coronavirus.
Ito aniya ay isang dokumentong walang siyentipiko at obdiyektibong prinsipyo at kulang sa diwang pangkooperasyon. Malubha itong naaapektuhan ng pulitika, ani Zhao.
Sinabi niya na sa pulong ng mga kasaping bansa ng WHO noong Hulyo 16, malinaw na inihayag ng Tsina at maraming bansa ang kanilang pundamental na posisyon sa nasabing planong iniharap ng Sekretaryat ng WHO. Patuloy ding ihaharap ng panig Tsino ang mungkahi tungkol dito, aniya pa.
Ipinagdiinan din ni Zhao na palagian at lubos na pinahahalagahan ng Tsina ang isyu ng paghahanap ng pinagmulan ng coronavirus, at patuloy nitong isusulong ang pag-aaral sa gawaing ito.
Bukod dito, bilang unang bansang nakipagkooperasyon sa WHO sa origin tracing sa coronavirus, ani Zhao, patuloy at aktibong makikilahok ang Tsina sa pandaigdigang kooperasyon sa usaping ito sa susunod na yugto.
Salin: Lito
Pulido: Mac