Nanawagan si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa mga miyembro ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na manangan sa inobasyon, pagbubukas, berdeng pag-unlad, pagiging inklusibo at mutuwal na benepisyo para maisakatuparan ang komong kaunlaran ng rehiyon.
Ang panawagan ay ginawa ni Xi sa kanyang talumpating pinamagatang Pagpapanatiling Matapat sa Misyon ng Pagtatatag ng APEC at Pagpapasulong ng Pagkakaisa at Kooperasyon para Magkakasamang Isulong ang De-kalidad na Paglaki ng Asya-Pasipiko, sa Ika-30 APEC Economic Leaders' Retreat, Biyernes, Nobyembre 17, 2023, local time, sa San Francisco, Estados Unidos.
Narito ang apat na mungkahing inihain ni Xi.
Una, kailangang manangan sa pag-unlad na pinasisigla ng inobasyon. Kailangang mas proaktibong pasulungin ang pagpapalitan at pagtutulungang pansiyensiya’t panteknolohiya, at magkabit-bisig para lumikha ng bukas, pantay, makatarungan, at walang diskriminasyong kapaligiran ng pag-unlad ng siyensiya’t teknolohiya. Upang mapasigla ang paglaki at pag-unlad ng rehiyon, iniharap ng Tsina ang iba’t ibang inisyatiba na gaya ng pagpapaunlad ng kanayunan sa pamamagitan ng digital technology, corporate digital identity, at pagbabago tungo sa berde at low-carbon na kabuhayan gamit ang mga digital technology.
Pangalawa, kailangang manangan sa pagbubukas para isakatuparan ang kaunlaran. Dapat pangalagaan ang malaya’t bukas na kalakalan at pamumuhunan, suportahan ang multilateral na mekanismong pangkalakalan kung saan nasa sentro ang World Trade Organization (WTO), at panatilihing bukas at matatag ang pandaigdigang industrial at supply chains. Kasabay nito, dapat buong-tatag na pasulungin ang rehiyonal na integrasyong pangkabuhayan at pabilisin ang pagtatatag ng Free Trade Area (FTA) ng Asya Pasipiko.
Sa aspektong ito, ang katatapos na Ika-3 Belt and Road Forum for International Cooperation na nasa pagtataguyod ng Tsina ay naglayong magbigay ng bagong sigla sa konektibidad at bukas na kabuhayan ng daigdig. Bukod dito, tinutupad ng Tsina ang Regional Comprehensive Economic Partnership Agreement (RCEP) batay sa pinakamataas na pamantayan.
Pangatlo, kailangang pasulungin ang berdeng pag-unlad. Dapat isakatuparan ang harmonya sa pagitan ng mga tao at kalikasan. Para rito, dapat pabilisin ang pagbabago tungo sa berde at low-carbon na pag-unlad. Walang humpay na tumatahak ang Tsina sa landas ng berdeng pag-unlad kung saan ang priyoridad ay ang pangangalaga sa ekolohiya at kapaligiran. Iniharap din ng Tsina ang mga inisyatiba para mapahigpit ang kooperasyon ng mga kasapi ng APEC tungo sa malinis at magandang rehiyong Asya-Pasipiko. Kabilang dito ang berdeng agrikultura, sustenableng pag-unlad ng mga siyudad, pagkontrol at pagpigil sa polusyong pandagat, at iba pa.
Pang-apat, kailangang mapanatili ang inklusibong pag-unlad na may panlahat na kapakinabangan. Dapat ganap na pairalin ang UN 2030 Agenda for Sustainable Development at muling ilagay ang kaunlaran sa pandaigdigang agenda bilang sentral na priyoridad. Bukas ang Tsina sa pakikilahok ng iba’t ibang panig sa Global Development Initiative (GDI) para mapalalim ang kooperayson sa pagpawi ng karalitaan, food security, industriyalisasyon, at development financing. Layon nitong itatag ang pandaigdig na komunidad ng pag-unlad para ang lahat ng mga mamamayan ng daigdig ay maaaring magtamasa ng bunga at benepisyong dulot ng modernisasyon.
Inulit din ni Xi ang pananangan ng Tsina sa landas ng mapayapang pag-unlad, at ang pundamental na layunin ng kaunlaran ng bansa ay mapaligaya ang mga mamamayan.
Dagdag pa ni Xi, ang taong 2023 ay ika-45 anibersaryo ng reporma’t pagbubukas ng Tsina.
Ipinagdiinan niyang isinusulong ng Tsina ang de-kalidad na pag-unlad at pagbubukas. Umaasa aniya ang bansa na ang modernisasyon ng Tsina ay makakatulong sa modernisasyon ng iba pang mga bansa ng daigdig.
Nakikiisa ani Xi ang Tsina sa mga miyembro ng APEC para matamo ang mas maraming bunga ng kooperasyong panrehiyon at magkaroon ng 30 pang ginintuang taon ng pagtutulungang Asya-Pasipiko.
Ang taong 2023 ay ika-30 anibersaryo ng pagkakatatag ng APEC.
Salin/Patnugot: Jade
Pulido: Ram