Relasyong Sino-Uruguayan, pinataas sa komprehensibo’t estratehikong partnership

2023-11-23 14:38:51  CMG
Share with:

Sa pag-uusap, Nobyembre 22, 2023 sa Beijing nina Pangulong Xi Jinping ng Tsina at dumadalaw na Pangulong Luis Alberto Lacalle Pou ng Uruguay, inanunsyo nila ang pagpapataas ng bilateral na relasyon ng dalawang bansa sa komprehensibo’t estratehikong partnership.

 

Tinukoy ni Xi na ang kasalukuyang taon ay ika-35 anibersaryo ng relasyong Sino-Uruguayan, at ika-5 anibersaryo ng pagsapi ng Uruguay sa Belt and Road Initiative (BRI).

 

Kasama ng Uruguay, nakahanda aniya ang Tsina na gawing bagong simula ang pagtatatag ng komprehensibo’t estratehikong partnership, upang pataasin ang lebel ng bilateral na relasyon, pasaganain ang kooperasyon, at pabutihin ang biyaya ng mga mamamayan ng dalawang bansa.

 


Sa kanya namang paglalahad ng nilalaman at kahulugan ng modernisasyong Tsino, sinabi ni Xi, na nakahandang palakasin ng panig Tsino ang pakikipagpalitan sa panig Uruguayan sa pangangasiwa sa bansa, pahigpitin ang pagtitiwalaang pulitikal, magkasamang ibahagi ang mga pagkakataong pangkaunlaran, at pasulungin ang modernisasyon ng sariling bansa, maging ng buong mundo.

 

Tinukoy ni Xi, na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang pag-unlad ng relasyong Sino-Latin Amerikano, at hinahangaan ang palagiang sigasig ng Uruguay sa pagsali sa kooperasyon sa pagitan ng Tsina at Latin Amerika, at pagsuporta nito sa diyalogong pulitikal at kooperasyong pangkabuhaya’t pangkalakalan sa pagitan ng Tsina at mga organisasyong panrehiyon na gaya ng Mercosur (Southern Common Market).

 

Umaasa aniya siyang pasusulungin ng Uruguay, ang kooperasyon ng Tsina’t Latin Amerika at kooperasyon ng Tsina’t Mercosur.

 


Inihayag naman ni Lacalle ang suporta ng kanyang bansa sa kooperasyon ng BRI at mga inisiyatibang iniharap ni Pangulong Xi na gaya ng Global Development Initiative, Global Security Initiative at Global Civilization Initiative.

 

Umaasa aniya siyang mapapalakas ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga larangang kinabibilangan ng kabuhaya’t kalakalan, siyensiya’t teknolohiya, palakasan, turismo at iba pa, at mapapasulong ang pagpapalitan ng mga tauhan at pagpapalitang tao-sa-tao.

 

Nais pabilisin ng Uruguay ang kooperasyon sa larangang gaya ng malayang kalakalan, samantalang pasusulungin ang pagtungo ng Mercosur sa target na ito, dagdag niya.

 

Pagkatapos ng pag-uusap, magkasamang sinaksihan ng dalawang lider ang paglagda sa plano ng kooperasyon ng BRI, at mga dokumento ng bilateral na kooperasyon sa mga larangang gaya ng kalakalan, pamumuhunan, ekonomiyang didyital, berdeng pag-unlad, agrikultura, kalusugan, edukasyon, kultura, inobasyong pansiyensiya’t panteknolohiya, inspeksyon at kuwarantinas ng mga adwana at iba pa.

 

Salin: Vera

 

Pulido: Rhio