Ika-607 anibersaryo ng pagdalaw sa Tsina ni Paduka Batara, ginunita: Princess Jacel H. Kiram ng Sulu, personal na dumalo

2024-09-13 16:39:35  CMG
Share with:


Setyembre 13, 2024, lunsod Dezhou, lalawigang Shandong, gawing silangan ng Tsina – Dumalo’t pinangunahan ni Princess Jacel H. Kiram ng Sulu ang Ika-607 Anibersaryo ng Pagdalaw sa Tsina noong 1417 ni Paduka Batara, Hari ng Silangang Kaharian ng Sulu.



Sa panayam sa China Media Group – Serbisyo Filipino (CMG – SF), sinabi ni Kiram na ang musoleo ni Paduka Batara sa Tsina ay isang testamento, na ang Sulu ay minsan nang naging dakilang nasyon.

“Kaya nga, tuwing ako’y pumupunta rito [at] nagbibigay tayo ng ‘panalangin para sa mga yumao,’ hindi ko maiwasang maging emosyonal,” anang prinsesa.

Upang umusad sa tamang landas ang kasalukuyang relasyong Pilipino-Sino, sinabi niyang nararapat palakasin ang pagpapalitan at ugnayang tao-sa-tao, katulad ng paggunita sa kontribusyon ni Paduka Batara sa ugnayan ng mga Pilipino at Tsino.

“Sabi ko nga, napakaganda talaga ng ginawa ni Paduka Batara dahil hanggang ngayon, nakikinabang tayo sa relasyon na mayroon siya kay Emperador Yong Le. Kada pupunta ako sa Tsina, ramdam kong hindi ako ibang tao; ramdam ko kung gaano ako winewelkam; ramdam ko iyong init at hospitalidad ng bawat Tsinong nakakasalamuha ko,” dagdag niya.


Princess Jacel Kiram (ika-6 sa kanan) at Senador Robin Padilla (ika-7 sa kanan), ang kanilang enturahe at mga salin-lahi ni Paduka Batara sa Dezhou

 

Binigyang-diin ni Kiram na napakabuti para sa Pilipinas at Tsina, kung malakas iyong relasyong tao-sa-tao, at kailangang ihiwalay rito ang usaping pampulitika.

Sinabi ng prinsesa, na“hindi po tayo sasali roon sa pulitika dahil iyon ay pansamantala lamang.”

Diin niya, ang pagkakaibigang itinayo nina Paduka Batara at Emperador Yong Le ay 607 taon na, at ito ay matatag na simbolo ng ugnayang Pilipino-Sino.

Hinimok din niya ang mga Pilipino na balikan ang kasaysayan.

Kailangan aniyang aralin muli ng mga Pilipino ang kasaysayan dahil doon makikita kung paano nagkaroon ng magandang relasyon ang mga ninunong Pilipino at Tsino, at papaano ito maipagpapatuloy.


Tarangkahan ng puntod ni Paduka Batara 


 

Puntod ni Paduka Batara


“Laging, matuto mula sa kasaysayan, dahil sa kasaysayan, hindi tayo kailanman magkakamali at makakapagplano tayo para sa hinaharap,” lahad pa niya.

Dagdag ni Kiram, kasama niya ngayong taon sa Dezhou si Senador Robin Padilla.

Ang pagsama aniya ni Senador Padilla ay importante upang pagbalik niya sa Pilipinas, maaari niyang i-ulat sa Senado kung ano ang nakita niya rito.

“Sabi ko nga kay senador, itong istoryang ito, itong puntod na ito, ang nakaratay po rito ay hindi isang Tsino. Ang nakaratay po rito ay isang Tausug, galing po ng Sulu,” hayag ng prinsesa.

Kaugnay nito, sinabi niyang planong gumawa ng pelikula ni Senador Padilla hinggil sa kasaysayan ng mga overseas Chinese na tumulong sa Pilipinas noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Princess Jacel Kiram (kaliwa) at Senador Robin Padilla (kanan) sa puntod ni Kamolin, asawa ni Paduka Batara


Maliban diyan, umaasa ang prinsesa na magkakaroon ng magkasamang proyekto ang Pilipinas at Tsina upang magawan din ng panibagong pelikula  ang istorya ng pagkakaibigan nina Paduka Batara at Emperador Yong Le.


Princess Jacel Kiram(gitna-kanan), Senador Robin Padilla (gitna-kaliwa) at kasama ang mga salin-lahi ni Paduka Batara habang nagdadasal sa harap ng puntod ni Paduka Batara


“Nang sa gayon, kumalat ang kasaysayang ito at maipakita, na ang mga Pilipino at Tsino, noon pa man ay nagkakaisa na,” sabi ni Kiram.

Hinimok din ng prinsesa ang mga Pilipino na bumisita sa puntod ni Paduka Batara sa Dezhou.

“Itong puntod ni Paduka Batara ay hindi lang po kontribusyon para sa mga Tausug. Ito ay nagbibigay ng karangalan sa bawat Pilipino, at matibay na katunayan, na noong 1521, nang dumating sa Pilipinas ang mga Espanyol, hindi po tayo mang-mang, may pinanggalingan po tayo. Tayo ay dakilang nasyon bago pa man tayo sinakop ng Espanya," paliwanag niya pa.

Si Paduka Batara ay ang Hari ng Silangang Kaharian ng Sulu noong mga unang taon ng 1400s.

Bumiyahe siya sa Beijing kasama ang kanyang reyna, mga anak at enturahe noong 1417 upang makipagkalakalan at dalawin ang matalik na kaibigan, ang emperador ng Dinastiyang Ming, si Zhu Di, na kilala rin bilang Emperador Yong Le.

Sa kasamaang-palad, nagkasakit at namatay si Paduka Batara habang papauwi sa Sulu.

Nang malaman ito ng Emperador Yong Le, ipinag-utos niya ang pagtatayo ng isang enggrandeng musoleo na nararapat sa isang prinsipeng Tsino sa lunsod Dezhou, upang doon ihimlay ang labi ng kaibigan.

Dalawang anak na lalaki at ilang matatapat na sundalo ni Paduka Batara ang nagpa-iwan upang magsilbing bantay sa musoleo.

Doon na sila nanahan at nagtayo ng pamilya kasama ang mga lokal na residente.

Hanggang ngayon, ang kanilang mga salinlahi ang nangangasiwa sa puntod.

Ito ay isa sa mga makasaysayang pangyayaring nagbibigkis sa mga Pilipino at Tsino bilang magkapatid at magkapamilya.

 

May-akda:   Rhio

Panayam at litarto:  Ramil at Ernest

Patnugot sa nilalaman at website: Jade