Tsina, katuwang ng Pilipinas sa paggigiit ng pagkaka-unawaan at kooperasyon – Embahador Jaime A. FlorCruz

2024-06-15 21:39:24  CMG
Share with:


Entablado ng pagdiriwang para sa Ika-126 na Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas


Hunyo 14, 2024, Beijing – Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Ika-126 na Anibersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas, sinabi ni Jaime A. FlorCruz, Embahador ng Pilipinas sa Tsina, na mahigit isang siglo matapos iproklama ang kasarinlan ng bansa, taas-noo pa ring nakatindig ang mga Pilipino, kasama ng komunidad ng daigdig sa pagpapabuti ng pakikipagtulungan sa mga mapagkaibigang bansa tungo sa pagsusulong ng komong pag-unlad.


Embahador Jaime A. FlorCruz habang nagtatalumpati


Ang Tsina aniya ay isa sa mga mapagkaibigang bansang ka-agapay ng Pilipinas sa paggigiit ng kooperasyon sa maraming larangan.

“Para sa akin, dalawang estruktura ang kumakatawan sa emblematikong higit-sanlibong taon nang ugnayan ng Pilipinas at Tsina,” ani FlorCruz. 


Pagbisita ni Princess Jacel H. Kiram ng Sulu at mga kaibigan sa puntod ni Paduka Batara


Ang una aniya ay ang libingan ng isang lider ng Sulu na si Paduka Batara sa lunsod Dezhou, lalawigang Shandong gawing silangan ng Tsina.

Mahigit 600 taon na ang nakakaraan, inilunsad ng nasabing Pilipinong lider ang isa sa pinakamalaking diplomatikong delegasyon sa Tsina, noong 1417, at nakipagkita siya sa emperador ng Dinastiyang Ming sa Beijing, kuwento ng embahador.




Princess Jacel Kiram at mga kaibigan sa pasukan ng libingan ni Paduka Batara


Subalit, sa kasamaang-lapad, nagkasakit aniya at namatay ang Pilipinong lider sa kanyang paglalakbay pauwi, at ang kanyang labi ay inihimlay sa Dezhou.

Kuwento ni FlorCruz, ipinag-utos ng emperador ng Dinastiyang Ming ang pagtatayo ng isang musoleong akma sa ranggo at estado ni Paduka Batara, bilang paggalang at pagdadalamhati.

Samantala, ang pangalawang estruktura aniya ay ang napakataas na bantayog ng tinaguriang “Dakilang Malayo,” at pambansang bayani ng Pilipinas, na si Dr. Jose P. Rizal sa 

sa Rizal Plaza sa lalawigang Fujian, gawing timog-silangan ng Tsina.

Ang lugar na ito ay ang lupang-tinubuan ng mga ninuno sa ama ni Rizal.


Bantayog ni Dr. Jose P. Rizal sa Rizal Plaza sa lalawigang Fujian, Tsina


“Ito ang pinaniniwalaang pinakamataas na bantayog, na nagbibigay-pugay sa aming pambasang bayani sa labas ng Pilipinas,” paliwanag ni FlorCruz.

Sinabi niyang sa loob ng maraming taon, nananatiling matatag ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina.

Ang Tsina ang pinakamalaking katuwang pang-negosyo, pinakamalaking suplayer ng ina-angkat na produkto, ika-2 pinakamalaking destinasyon ng mga iniluluwas na produkto, at isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng mga nakontratang dayuhang puhunan ng Pilipinas, saad ng embahador.

Hayag pa niya, “noong nakaraang taon, umabot sa $US40 bilyon ang bilateral na kalakalan, at patuloy pang nagpupunyagi ang dalawang panig sa ibang aspekto ng kooperasyon na kinabibilangan ng turismo, kultura, edukasyon, at marami pang iba.” 

Kasama ng Tsina, isusulong aniya ng Pilipinas ang 4 na priyoridad na sektor na napagkasunduang pabutihin nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Pangulong Xi Jinping ng Tsina, sa pagbisita ng pangulong Pilipino sa Tsina noong Enero ng taong ito.

“Kami ay nakapokus sa imprastruktura, enerhiya, agrikultura, at pagpapalitang tao-sa-tao,” sabi ni FlorCruz.


Mga produktong tsitsirya ng Liwayway Marketing Corporation


Kaugnay nito, marami aniyang kompanyang Pilipinong nasa Tsina ang patuloy na umuunlad tulad ng Liwayway Marketing Corporation.


Iba’t-ibang prutas ng Pilipinas


Sa katulad na paraan, napakaganda rin aniya ang pagtanggap sa durian ng Pilipinas, simula nang pumasok ito sa merkadong Tsino noong 2023.

“Noong nakaraang taon, tulad ng aming mga pinya at mangga, ang durian ay mayroon nang malawak na tagahanga sa mga mamimiling Tsino,” dagdag niya.

Sa kabilang dako, maliban sa mga estadistikang pangkalakalan, napakahalaga rin ang kontribusyon ng mga taong walang-sawang nagpunyagi at patuloy na nagpupunyagi upang maitatag ang pundasyon ng ugnayang Pilipino-Sino.

Kaugnay nito, sinabi ng embahador na sa kanyang 50 taong pananatili at pagtatrabaho sa Tsina, napakarami ang kanyang naging kaibigan – dahilan kung bakit itinuturing niya ang bansa bilang tahanan habang malayo sa tahanan.

Lahat aniya ng mga nabanggit na kaibigan ay nagsisilbing mga maestro-mason na tagapagtatag ng relasyong Pilipino-Sino. 


Bb. Liu Liannli (gitna)


Ilan aniya sa mga taong ito ay si Binibining Liu Lianli, isang retiradong guro ng wikang Tsino sa Beijing Language and Culture University.

Di-mabilang na dayuhang mag-aaral ang tinuruan ni Liu, saad ni FlorCruz.

Anang embahador, nariyan din sina Propesor Wu Jiewei. Shi Yang at Huang Yi, na kanyang nakilala bilang mga mag-aaral ng programang Philippine Language and Culture ng Peking University noong mga taong 1990’s.

Sila ngayon ay mga nangungunang iskolar na ng kultura at wikang Filipino sa Tsina, at guro ng bagong henerasyon ng mga Tsinong nagnanais matuto ng kultura at wikang Filipino.

Anang embahador, ilan sa mga nagtapos sa programang ito ay matagumpay na ngayon sa iba’t-ibang larangang pang-negosyo, diplomasiya, at media, tulad ni Binibining Jade Xian, na siya nang direktor ng Serbisyo Filipino ng China Media Group (CMG).

Dagdag niya, pinamumunuan ni Jade ang grupo ng mga batang mamamahayag na Tsino, kasama na ang mga Pilipinong sina Rhio Zablan at Ramil Santos.

Sa pamamagitan ng kanilang mga ulat at programa sa wikang Filipino, napapalakas at napapabuti ang pagkaka-unawaan at pagkakaibigan ng mga Pilipino at Tsino sa buong mundo, paliwanag ni FlorCruz.


Jaime A. FlorCruz kasama ang mga Pilipinong estudyante


At siyempre, nariyan din aniya ang mga Pilipinong estudyante sa iba’t-ibang unibersidad ng Tsina, Pilipinong guro, Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t-ibang kompanyang Tsino at internasyonal na kompanyang nasa Tsina, Pilipinong banda sa Sanlitun, at marami pang iba.

Lahat sila ay may kani-kanyang kuwento, mga kuwentong nagsisilbing matibay na pundasyon ng pagkakaibigan, pagtutulungan, pakikipagkooperasyon, at pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang bansa, diin ng embahador.

Naniniwala si FlorCruz, na dahil sa pundasyong ito, patuloy pang titibay ang ugnayang Pilipino-Sino sa hinaharap.



Panayam ng Serbisyo Filipino kay Embahador Jaime A. FlorCruz 


Samantala, sa hiwalay na panayam sa Serbisyo Filipino, hinimok ni FlorCruz ang lahat ng Pilipino sa buong mundo na palakasin ang pagkakaisa, pahalagahan ang kalayaan, pag-ibayuhin ang magagandang ugali, maniwala sa sariling kakayahan, ipagmalaki ang Pilipinas, at higit sa lahat ipagbunyagi ang pagiging Pilipino.

Ang selebrasyon ay dinaluhan ng mga dayuhang diplomata; opisyal ng pamahalaang Tsino; Pilipinong estudyante, nagtatrabaho, at naninirahan sa Tsina; akademiya; personahe mula sa sektor ng turismo; media; at marami pang iba. 


Ulat, larawan at video:

Jade Xian, Rhio Zablan, at Ramil Santos