Ika-12 Eksibisyon ng Pagpipinta ng Pilipinang alagad ng sining, idinaraos sa Beijing

2024-10-22 15:58:08  CMG
Share with:


Binuksasn nitong nagdaang Sabado, Oktubre 19, 2024, sa Beijing, Tsina ang Ika-12 Solo Painting Exhibition ng kilalang alagad ng sining ng Pilipinas na si Jensen Moreno. 


Sa ilalim ng temang“Ritmo ng Buhay: Sayaw ng Paruparo sa Paligid ng mga Bulaklak-Kukun, Paruparo, Bulaklak,” nakatanghal sa eksibisyon ang halos 30 obra ni Moreno. 


Kabilang dito, ang pinakamahalaga ay ang obrang pinamagatang Mariposa na pininta ni Moreno noong 2018. Ang Mariposa ay nangangahulugang malaking paruparo sa wikang Espanyol. 

Si Jensen Moreno sa harap ng kanyang obrang Mariposa


Sa panayam ng Serbisyo Filipino ng China Media Group, sinabi ni Moreno na ang Mariposa ay ang kuwento tungkol sa pagkabata niya. Noong bata pa si Moreno, madalas siyang humahabol sa mga paruparo sa kanyang lupang-tinubuan sa Bataan, Pilipinas. Isang araw, nakita niya ang napakalaking paruparong ito sa patyo at di niya iyon nakalimutan. 


Bilang alagad ng sining, gustong pagsamahin at paghaluin ni Moreno ang mga abstraktong bagay, halimbawa, ang luma at ang bago, noon at ngayon, at ang pamilyar at ang di-pamilyar. Kitang kita at ramdam na ramdam ito sa pintang Mariposa, ani Moreno.


Ang Mariposa ay isa ring talinghaga na nagpapahiwatig ng sarili niyang paghabol ng pangarap at pagtupad ng mga hangarin, dagdag pa ni Moreno. 


Sa ngalan ng Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina, ipinadala ni Embahador Jaime A. FlorCruz ang mensaheng pambati sa eksibisyon ni Moreno. Ani FlorCruz, si Moreno ay kumakatawan nang maigi sa mga talentong Pilipinong nakabase sa Tsina, sa pamamagitan ng kanyang samu’t saring obra na nagtatampok sa makukulay at katangi-tanging kulturang Pilipino. 

Ang pinta ni Moreno na pinamagatang Ang Bayani, at inihandog niya ito sa Pasuguan ng Pilipinas sa Tsina. 


Tatagal ang eksibisyong ito nang isang taon hanggang Oktubre 22, 2025.


Kasalukuyang nakabase sa Beijing, si Moreno ay isa ring guro, tagadisenyo, tagapag-organisa ng mga aktibidad na pansining, at direktor ng sining. 

Ilang obra ni Jensen Moreno at mga panauhin sa eksibisyon


Artikulo/Patnugot sa website: Jade 

Pulido: Ram

Larawan: Jensen Moreno