Buong pagkakaisang pinagtibay kagabi (local time) ng United Nations Security Council o UNSC ang resolusyon bilang 2118 kung saan humihiling sa Syria na sirain ang kanyang sandatang kemikal. Ito ang kauna-unahang pagkakaroon ng UNSC ng resolusyong may kinalaman sa Syria nitong nakalipas na mahigit 2 taon.
Humiling ang resolusyon na sirain ang sandatang kemikal ng Syria sa lalong madaling panahon, batay sa procedure ng Organization for the Prohibition of Chemical Weapons. Itinakda rin sa resolusyon na huwag gumamit, magdebelop, magprodyus, kumuha, magtinggal o maglipat ang alinmang panig ng Syria ng sandatang kemikal. Humiling din ito sa panig Syrian na koordinahin ang imbestigasyon nang walang pasubali, at igarantiya ang kaligtasan ng mga kinauukulang tauhan.
Nagpalabas si Ministrong Panlabas Wang Yi ng Tsina ng pahayag bilang pagtanggap sa naturang resolusyon. Aniya, ang kalutasang pulitikal ay siyang tanging lunas sa krisis ng Syria, at dapat pasulungin ito kasabay ng proseso ng pagsira sa sandatang kemikal.
Isiniwalat naman ni Pangkalahatang Kalihim Ban Ki-Moon ng UN na inaasahang maidaraos ang ika-2 pulong sa Geneva sa kalagitnaan ng Nobyembre ng taong ito, para hanapin ang pulitikal na kalutasan sa krisis ng Syria.
Salin: Vera