Nagtalumpati kaninang umaga si Pangulong Xi Jinping ng Tsina sa Pambansang Asemblea ng Indonesia. Sa kanyang halos 30 minutong talumpati, binanggit ni Xi, pangunahing na, ang relasyon ng Tsina at ASEAN. Nakahanda aniya ang Tsina, kasama ng Indonesia at ibang bansang ASEAN, na magkakasamang magsikap, para maging magandang kapitbansa at kaibigan, maitatag ang mas mahigpit na China-ASEAN Community, at lumikha ng mas maraming kabiyayaan para sa mga mamamayan ng kapuwa panig, maging ng rehiyong ito.
Ang Indonesia ay unang hinto sa kauna-unahang biyahe ni Xi sa Timog Silangang Asya sapul nang manungkulan siya bilang bagong Pangulo ng Tsina noong nagdaang Marso. Sa talumpating ito, binigyan niya ng mataas na pagtasa ang relasyong Sino-Indonesian. Espesyal na binanggit din niya ang mga tunay na kuwentong naganap sa mga lindol sa Aceh ng Indonesia at Wenchuan ng Tsina, at pinapurihan ang malalimang pagkakaibigan sa pagitan ng mga mamamayan ng dalawang bansa.
"Walang humpay na lumalakas ang kooperasyon ng Tsina at Indonesia sa mahahalagang suliraning panrehiyon at pandaigdig, at palaki nang palaki ang impluwensiya ng kanilang kooperasyon sa rehiyong ito, maging ng buong mundo. Ito ay may positibong katuturan para sa pagpapasulong ng mas makatarungan at makatwirang kaayusan ng pulitika't kabuhayang pandaigdig."
Ang kasalukuyang taon ay ika-10 anibersaryo ng pagkakatatag ng estratehikong partnership ng Tsina at ASEAN, kaya ang talumpati ni Xi ay nakapokus sa pag-unlad ng relasyon ng kapuwa panig sa hinaharap. Iniharap din niya ang mga konkretong mungkahi ng panig Tsino tungkol dito: nakahanda ang Tsina na talakayin, kasama ng mga bansang ASEAN ang paglagda sa kasunduan hinggil sa kooperasyong pangkapitbansa at pangkaibigan; patataasin ang lebel ng China ASEAN Free Trade Area (CAFTA); patataasin ang kabuuang halaga ng kalakalan ng kapuwa panig sa 1 trilyong dolyares sa taong 2020; babalakin ang pagtatatag ng bangko ng pamumuhunan sa imprastruktura ng Asya; magkasamang itatatag ang "overseas silk road"; ibayo pang kukumpletuhin ang mekanismo ng pulong ng mga ministrong pandepensa ng Tsina at ASEAN; idaraos ang regular na diyalogo hinggil sa katiwasayang panrehiyon; ituturing na taon ng pagpapalitang kultural ng Tsina't ASEAN ang taong 2014; ipagkakaloob ang government scholarship sa 15 libong estudyente ng ASEAN sa darating na tatlo hanggang limang taon at iba pa.