"Maliwanag na ang paninindigan ng Ministri ng Tanggulan ng Tsina sa isyung ito. Gusto kong ulitin na ang pagpapalipad ng Tsina ng mga drone sa East China Sea ay hindi labag sa mga batas na pandaigdig." Ito ang ipinahayag kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina nang sagutin niya ang mga tanong ng mga mamamahayag kaugnay ng pagpapadala ng Hapon ng eroplano bilang tugon sa aksyong ito ng panig militar ng Tsina.
Paulit-ulit na ipinahayag kamakailan ni Punong Ministro Shinzo Abe ng Hapon, nang kapanayamin siya ng Wall Street Journal at maglakbay-suri sa hukbong panlupa ng Hapon, na hinding hindi mapapahintulutan ng Hapon ang pagbabago ng Tsina ng status quo ng Diaoyu Islands, sa pamamagitan ng dahas. Aniya, kung ganito, hindi maisasakatuparan ng Tsina ang mapayapang kaunlarang pambansa. Sinabi ni Abe na dapat patingkarin ng Hapon ang numumunong papel sa larangang pangkabuhayan at panseguridad ng Asya-Pasipiko, para mapigilan ang Tsina.
Sinabi ni Hua na ang Diaoyu Islands ay teritoryong minana ng Tsina sa kasaysayan, pero ilegal na napasakamay ito ng Hapon sa makabagong panahon. Aniya, positibo ang Tsina at Hapon sa pagpapaliban ng paglutas sa isyu ng Diaoyu Islands noong maisakatuparan ang normalisasyon ng relayong Sino-Hapones, at ito'y nagsisilbing pundasyon para sa pagpapasulong ng naturang relasyon nitong nakalipas na 40 taon.
Sinabi ng Tagapagsalitang Tsino na magiging ilegal at di-magkakabunga ang anumang unilateral na aksyon ng Hapon sa isyu ng Diaoyu Islands. Ang Hapon mismo ang sumisira ng kasalukuyang kalagayan ng Diaoyu Islands at wala nang iba, dagdag pa niya.