"Hinihimok namin ang Hapon na itigil ang labis na pagsasabi na hinaharap nito ang banta mula sa labas ng bansa, at ipaliwanag sa komunidad ng daigdig ang tunay na layunin nito sa pagpapalakas ng puwersang militar." Ito ang ipinahayag kahapon ni Hua Chunying, Tagapagsalita ng Ministring Panlabas ng Tsina bilang tugon sa pananalita kamakailan ng Ministrong Pandepensa ng Hapon tungkol sa umano'y isinasagawang pananalakay ng Tsina sa karagatang malapit sa Diaoyu Islands, na banta sa kapayapaan ng rehiyon.
Sinabi ni Hua na maliwanag ang paninindigan ng Tsina sa mga may kinalamang isyu. Aniya, igigiit ng Tsina ang pagtahak sa landas ng mapayapang pag-unlad, at maayos na paglutas, kasama ng mga kapitbansa, sa mga pagkakaiba at alitan, sa pamamagitan ng diyalogo. Samantala, tinututulan ng Tsina ang anumang aktibidad na lumalapastangan sa kabuuan ng soberanya at teritoryo ng Tsina, at buong tatag na isasagawa ng Tsina ang ganting hakbangin sa mga ito, dagdag niya.
Sinabi ni Hua na maliwanag ang mga katotohanan sa kasaysayan, na kung sino ang tagasunod at mangangalaga ng kapayapaan, at sino naman ang tumatanggi at may kagagawan ng digmaan.
Ipinahayag ni Hua na umaasa ang Tsina na pagsisisihan ng Hapon ang kasaysayan ng pananalakay, at isasagawa nito ang mga mabisang hakbang para mapangalagaan ang kapayapaan at katatagan ng rehiyon.