Sa Rhodes, Greece—nakipagtagpo dito kahapon si Pangulong Karolos Papoulias ng Greece kay Pangulong Xi Jinping ng Tsina. Malalimang nagpalitan ng kuru-kuro ang dalawang pangulo hinggil sa pag-unlad ng relasyong Sino-Gresyan, at mga isyung panrehiyo't pandaigdig na kapuwa nila pinahahalagahan. Nagkaroon ng mahalagang komong palagay ang dalawang lider.
Sinabi ni Pangulong Xi na lubos na pinahahalagahan ng panig Tsino ang pagpapaunlad ng komprehensibo't estratehikong partnership nila ng Greece. Nakahanda aniya ang Tsina, na palalimin ang kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan sa panig Griyego, at palakasin ang pagpapalitan ng dalawang panig. Dagdag pa niya, sinusuportahan ng pamahalaang Tsino ang pamumuhunan ng mga bahay-kalakal na Tsino sa Greece, pagpapabuti ng mga proyektong gaya ng puwerto ng Piraeus ng Greece, at paglikha ng modelo ng kooperasyong may mutuwal na kapakinabangan.
Ipinahayag naman ni Papoulias ang mainit na pagtanggap ng kanyang mga mamamayan sa pagdalaw ni Xi Jinping. Aniya, nakahanda ang panig Griyego na patuloy na palakasin ang mapagkaibigang pakikipagtulungan sa Tsina, aktibong makisangkot sa mungkahi ng panig Tsino hinggil sa pagtatatag ng economic belt ng Silk Road at silk road sa dagat sa ika-21 siglo. Palalawakin aniya ang kooperasyon sa mga larangang gaya ng dagat at konstruksyon ng imprastruktura, at winewelkam ang pamumuhunan ng mga kompanyang Tsino.
Salin: Vera