Natapos kamakalawa ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina ang kanyang pagdalaw sa Brazil, Argentina, Venezuela at Cuba. Ito ang ika-2 pagdalaw ni Xi sa Latin-Amerika sapul nang manungkulan siya bilang pangulong Tsino. Pinag-uukulan ng komunidad ng daigdig ng mataas na pansin ang naturang pagdalaw.
Nang kapanayamin ng media, tinukoy ni Richard Feinberg, dating iskolar sa patakarang pampubliko ng University of California, San Diego, na ang naturang pagdalaw ni Xi Jinping ay lumikha ng isang pagkakataon sa Tsina, para mapatunayang ang Tsina ay hindi iyong umano'y puwersa ng bagong kolonyalismo, at hindi nito pahihinain ang pag-unlad ng kabuhayan ng rehiyon ng Latin-Amerika.
Kinapanayam ng Costa Rica Times si Jorge Heine, bagong Embahador ng Chile sa Tsina. Ipinahayag niyang ang katatapos na biyahe ni Xi sa Latin-Amerika ay hindi isang regular na pagdalaw lamang. Nangangahulugan itong itinatag ng Latin-Amerika at Tsina ang pahigpit nang pahigpit na relasyon.
Sinabi naman ng komentaryo ng venezuelanalysis.com na ang naturang pagdalaw ay makakabuti sa pagpapalalim ng pag-uugnayang pangkabuhayan ng Tsina at mga bansa ng Latin-Amerika, at ibayo pang pagpapasulong ng multi-polarisadong pag-unlad ng kabuhayang pandaigdig.
Salin: Vera