Sa finals ng Women's All Around Gymnastics na ginanap kagabi sa gymnasium ng Nanjing Olympic Sports Center nakita kung paano naapektuhan ng matinding pressure ang mga atleta. Dikit ang laban sa pagitan ng mga gymnasts ng Rusya, Brazil, Great Britain, Tsina at Hapon. Napaiyak ang nangungunang si Elissa Downie ng Great Britain dahil ang kanyang pagkakamali sa floor exercise ang naging dahilan para bumaba ang kanyang standing. Sa final, nanalo ng gintong medalya si Seda Tutkhalyan ng Rusya, silver para kay Flavia Lopes ng Brazil at bronze naman para kay Downie.
Si Yevgeny Marchenko
Sa panayam ng Serbisyo Filipino, sinabi ni Yevgeny Marchenko, dating five-time world champion sa Sport Acrobatics na naging coach din ng 2003 World Champion na si Hollie Vise at 2004 Olympic All-Around Champion na si Carly Patterson, na dahil sa tindi ng pressure sa mga atleta, tunay na ipinagmamalaki niya si Ava Lorein Verdeflor. "It's a very high pressure competition you could see even the best athletes in the world would make mistakes. So did (Ava she made) mistakes on the floor. Counting how much pressure and the long wait I am very proud. She made the Philippines very proud too. It's 11 place in the Olympic Games. It's a great achievement for Ava and the country."
Sina Verdeflor at Yevgeny Marchenko
Si Verdeflor ay nakakuha ng 12.900 sa vault, 12.450 sa uneven bars, 12.850 sa beam at 11.600 sa floor exercise para magtala ng kabuuang score na 49.800 sa 11th place.
Matapos ang kompetisyon sinabi ni Verdeflor, "I was disappointed because I definitely would have done better but I'm proud of how I did like being here. It really (made me) well-rounded, gave me a better experience."
Pagbalik sa Texas, USA kung saan nakabase ang atleta, ayon kay Marchenko paghahandaan niya ang competitive season na magsisimula sa Enero 2015. At ani Verdeflor kung papalarin muli siyang lalahok sa Olimpiyada ng 2016.